Wednesday, February 27, 2008

GERG ANROL R.CAHILES

DIWAYEN: Ang batang babae sa sepia, ang kakaibang binukot, at iba pang halu-halong side stories

May nakaaalam pa kaya sa mga bata sa kasalukuyan kung ano ang ipinahihiwatig ng awit ng kasaysayan? Itataya ko ang aking buhay kung higit pa sa 15 porsiyento ng mga batang Pilipino ang nakakaalam ng mga kuwento nina Urduja, Nagmalitongwaya, Gandingan at mga binukot. Nakalulungkot.

Pero kapag binanggit mo sina Snow White, Sleeping Beauty, Ariel, Powerpuff Girls at Pocahontas, tiyak mag-uunahan sila sa pagkukwento sa istorya ng mga imperyalistang bayani at prinsesa.

Sinong bata pa nga ba ang interesado sa istorya ng mga batang bayani at mga sinaunang prinsesa sa Pilipinas? Sa panahong napangingimbabawan na ng konsumerismo ang bansa, sinong bata pa ang nais makarinig ng himig ng kasaysayan?

Ilang nasusulat na tala nga ba ang makapagsasabi ng yaman ng kultura ng mga Pilipino bago ito marating ng mga mananakop? Limitado ang mga ito, magbuklat ka man sa iba’t ibang aklatan sa bansa. Marahil ay matatagpuan mo ang talaan ni Padre Pedro Chirino, obserbasyon ni Antonio Pigafetta, at mga pagsasaliksik ni William Henry Scott. Paano natin ito ipauunawa sa mga kabataan?

Kasaysayan sa Aklat Pambata
Isang napakagandang simulain para sa Adarna House at United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang proyektong Batang Historyador na nagtatampok sa limang aklat pambatang tumatalakay sa limang mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng lipunang Pilipino. Makikita sa mga aklat na ito kung paano nabuhay at namulat ang limang batang bida sa iba’t ibang panahon sa ating bansa. Naipamalas dito ang giting at katatagan ng mga bata sa pagharap sa mga suliranin ng nagbabagong panahon.

Napili kong bigyan ng mas mariing pagsusuri ang unang aklat sa serye, Si Diwayen, Noong Bago Dumating ang mga Espanyol. Isinulat ito ni Augie Rivera at iginuhit naman ni Paolo Lim. Matagal kong pinag-isipan ang dahilan kung bakit ito ang dapat kong piliing picture book para gawan ng isang rebyu. Ngunit sa bandang huli, nanaig sa akin ang kapangyarihan ng aklat upang gumawa ng impresyon sa mga bata hinggil sa kulturang Pilipino bago pa man tayo sakupin ng mga Kastila.

Si Diwayen ay isang batang babae na naging alipin ng datu sa kanyang murang edad. Dito, naipamalas ng batang bida kung paano niya nakamit ang kanyang kalayaan sa pamamagitan ng kanyang katapangan at pagpapahalaga sa pakikipagkaibigan.

Malungkot (walang buhay) ang mga bata sa sepia
Kung titingnan ang pabalat, tila isa itong pagpapakilala sa bidang tauhan na si Diwayen bilang isang batang babae. Maraming mga kurba ang iyong makikita sa larawan na nagbibigay ng modang malumanay o kalmado. Wala kang mararamdamang dahas o tulis kahit sa sanga ng kahoy na bitbit ni Diwayen.

Iba’t ibang antas ng kulay tsokolate ang pagsasawaan ng iyong mga mata sa bawat pagbuklat ng aklat. Wala kang mababakas na anumang tanda ng maiinit o masasayang kulay. Sa kabuuan, sepia ang naging tema ng kulay ni Lim.

Tingnan bilang halimbawa kung paano bumuo ng mood ang ilustrador sa simula ng kuwento (pahina 4 at 5 ng aklat).

Kapansin-pansin ang mababang saturation ng mga kulay bunsod nang pagpapatong ng shadings (kulay itim) upang ipakita ang paparating na delubyo (na nirerepresenta ng mga balang na siyang sisira sa mga pananim na palay). Dahil sa ganitong representasyon ay may lungkot na mararamdaman ang mga mambabasa.

Gayunpaman, naging kapaki-pakinabang ang mga puting espasyo (white spaces) upang magbigay ng puwang upang balansehin ang frame. Nagbigay ito ng kaunting aliwalas sa paningin.

Sa mga sumunod na pahina naman, imbes na puti ay gumamit si Lim ng malamlam na asul bilang kulay ng kalangitan. Gayunpaman, hindi ito nakatulong upang magbigay ng mas maaliwalas na pakiramdam sa mga titingin sa larawan. Sa halip ay dumagdag pa ito sa malungkot/ walang buhay na mood. Tinitingnan ko na maaaring ginawa ito ng ilustrador upang ipakita ang panahong nangyari ang kwento. Kung sa telebisyon o pelikula, gumagamit ng black and white o sepia upang ipahiwatig na ang eksena ay naganap matagal na ang nakararaan. Ngunit sa sikolohiya ng mga bata, ayon kay Genaro Gojo-Cruz (2007) sa kanyang akdang Kwentong Pangkasarian sa mga Kwentong Pambata, mas nakapupukaw ng atensiyon ang makukulay na larawan at mas kinagigiliwan nila itong tingnan. Dagdag pa, mas nakapag-aangat sa kanilang interes ang pag-aaral ng pre-Hispanikong panahon ng Pilipinas kung mailalarawan ito sa pamamagitan ng masasaya at kaaya-ayang kulay (gaya ng katamtaman o mas mataas na saturation na pula, dilaw, berde at asul bilang midtones).

Isa pang agad mapapansin sa kanyang guhit ay ang pagkakatulad ng mga hitsura ng mga tauhan. Tingnan ang bahaging ito bilang halimbawa:
Pansinin na bukod sa magkaibang antas ng pamumuhay na inilarawan sa pananamit (Bagamat hindi ko pa matukoy kung saang ethnolinguistic group nakuha ang mga patterns sa mga damit, ipinagpalagay ko na ang disenyo ang naging batayan ng ilustrador- mas maraming disenyo ang makikita sa damit ng prinsesa kumpara sa payak na disenyo ng pananamit ni Diwayen.) ay halos magkapareho ang mukha ng dalawang bata. Bagamat simple at hindi detalyado, napagtagumpayan naman ni Lim ang pagbibigay ng tamang ekspresyon sa mga mukha. Sa tagpong ito, makikita ang pangamba sa bahagi ni Diwayen (nasa kaliwa) at ang kaligayahan ng prinsesa (kanan).

Sa kabuuan, sapat ang espasyong inilaan para sa mga teksto upang ito ay makahinga. Katamtaman din ang laki ng mga titik na sapat upang mabasa. Gayunpaman, nakababagot tingnan ang mga larawan. Hindi ito masyadong naging epektibong tulong upang gawing mapangganyak ang aklat sa mga mambabasa. Nabigo itong bigyan ng buhay sa imahinasyon ng mga bata ang mayamang kultura ng mga sinaunang Pilipino. Sana ay nagawa niyang mas makulay ang kanyang mga ilustrasyon. Kung tutuusin, ang “authentic Pinoy” (terminong ibinigay ni Benedicto “Bencab” Cabrera- National Artist for Visual Arts sa hindi pa nahahaluan ng lahing banyagang mga komunidad o indigenous groups) ay lubhang mahilig sa matitingkad at masasayang mga kulay. Binanggit ni Felipe De Leon sa kanyang sanaysay na Towards Peoples Art na ang paggamit ng matitingkad na kulay ay isang batayan ng puro at likas na sining ng lahing Pilipino.

Ang malakas na babae at ang kakaibang binukot
Sa kuwento, makikita natin ang mahina at malakas na karakterisasyon sa mga babae. Una, si Diwayen bilang isang babaeng mapusok, matatag ang loob at matapang. Ang pagbuo ng karakter ng bidang babae ni Rivera ay isang pagbalikwas sa nakasanayang pagsasalarawan sa isang babae sa mga akdang pang-literatura: mahina, palasunod, emosyunal.

Gayong sa simula ay nakita ang isang stereotype na tungkulin ng babae sa lipunang Pilipino bilang isang investment, kolateral o pambayad utang, naging pasulong naman ang karakterisasyon kay Diwayen. Hindi siya nalugmok sa pagdurusa bilang alipin. Bagkus ay ito ang nagbukas ng mapusok na katangian ng bata upang punan ang kalungkutang kanyang nadarama habang malayo siya sa kanyang mga magulang.

Mas tumaas pa ang kaantasan o kalagayan niya bilang bata at babae nang iniligtas niya sa mabangis ng baboy damo ang kanyang kaibigang prinsesa. Sa ganoon ay naging daan iyon upang igawad ng datu ang kanyang kalayaan sa pagkaalipin.

Samantala, naging mahina naman ang karakterisasyon sa prinsesa bilang babae. Sa simula ay nagpakita siya ng mapusok na katangian. Sinuway niya ang dikta ng kanyang kapalaran bilang isang binukot. Tumakas siya sa pagkakakulong upang makapaglaro rin sa kagubatan gaya ng ibang mga bata. Ngunit sa bandang huli, nang malaman ng datu ang kanyang kapangahasan, wala siyang nagawa kundi ang umiyak at sumunod sa kagustuhan nito.

Sa akda ni Manjari Singh, sinabi niyang karaniwang isinasalarawan ang mga batang babae sa mga kwentong pambata bilang masayahin, sweet, inosente, palasunod at hindi makatayong mag-isa (dependent). Sabihin na nating nagkaroon ng pagtatangka si Rivera na makaalpas sa ganitong uri ng karakterisasyon sa kanyang mga tauhan. Ngunit hindi siya masyadong nagtagumpay dahil sinalamin pa rin ni Diwayen at ng prinsesa ang mga katangiang nabanggit sa itaas. Hindi naging consistent ang awtor sa kanyang pabuo ng tauhan.

(Halu-halong) Side stories
Napakagandang representasyon ang inilantad ng panimula ng kuwento: Mga mapanirang balang na parating upang sirain ang malapit nang anihing palay. Tila ba ipinapakitang may mga mandarayuhan sa isang masigla’t mayamang lupain upang sirain ang napakagandang kulturang mayroon ito. Mga pesteng gugulo sa sistemang naghahari noong mga panahong iyon. Nabitbit at nabigyang solusyon naman ito hanggang sa katapusan.

Matapang din ang ginawang pagsubok ni Rivera na lapatan ng kuwento ang ating kasaysayan. Kaya nga lamang ay mayroon akong ilang obserbasyon na dapat siguro’y mas napagtuunan ng pansin ng awtor.

Una, tila pinagsama-sama ni Rivera ang iba’t ibang kultura ng iba’t ibang grupo ng mga sinaunang Pilipino. Ito ay gumawa ng kalituhan sa kung anong grupo ba nagmula o saang lugar ba ang lunan ng kuwento. Ang paggamit niya ng konsepto ng binukot na mauugat sa isla ng Panay ay hindi nagtatagni sa pananamit na kanyang inilarawan. Ang pangalang Diwayen ay mauugat sa kultura ng mga Ilocano. Ang paggamit ng malong bilang kasuotan ng kababaihan ay nagmula sa isla ng Mindanao, partikular sa mga Maranao.

Pangalawa ay ang misrepresentasyon sa mga binukot. Mataas ang antas ng mga binukot sa sinaunang lipunan. Ang mga babaeng ito ay sanggunian ng maharlika at matatanda hinggil sa mahahalagang desisyon. Sila rin ang tagapangalaga at tanging makabibigkas/makaaawit ng mga epiko ng kanilang mga ninuno. Sa kuwento, tila naikahon lamang ang binukot sa isang babaeng itinatago at hindi pinaaapak sa lupa.

Ito ay ilan lamang sa mahahalagang puntos na dapat ay naging maingat ang manunulat. Pangunahin ay layunin ng aklat na imulat ang mga bata sa tunay na kalagayan ng Pilipinas bago pa man dumating ang mga may tangan ng krus at espada. Maaaring magturo ng maling kasaysayan o maling pagtingin ng sinaunang kultura ang mga bata kung mali ang mga konseptong pundasyon ng mga historikal na kuwentong pambata.

Kaya naman iminumungkahi ko ang mas malalim na pagnanaliksik hinggil sa mga importanteng detalye ng kuwento. Dito kasi magmumula ang matatag na sandigan ng isang makabuluhang istorya.

Sa kasalukuyan at sa hinaharap
Sa panahon ng makabagong henerasyon, sa pamamagitan ng mga kuwentong makabuluhan, patuloy ang pag-awit at paglikha ng mga bata ng kasaysayan. Patuloy ang pagtuklas nila sa mayamang kulturang ipinasa pa ng ating mga ninuno. Ang kasaysayan at kulturang aakay sa atin patungo sa magandang kinabukasan.

Ang kwento ni Diwayen, kasama ang mga bata noong sinaunang panahon ay isang mahalagang panahon sa ating kasaysayan. Ang mga kwentong pambata ang pagkakataon na itama/iwasto ang mga pagkakamali o misinterpretasyon sa ating lahi dahil sa mga mananakop. Sana ay ma-maksima (maximize) ang ganitong mga pagkakataon upang maisulat at muling maikwento ang pagwawasto sa mga ikinahon nating pagkilala sa ating pinagmulan, mga bata at mga kababaihan.

Ating iwasto, isulat at ikwento ang ating mayamang kasaysayan. Dahil ang mga bata ang magmamana ng kung ano ang mga hakbangin natin upang tuwirin ang baluktot na pagtingin sa lahing Pilipino.


Sanggunian:

De Leon, Felipe Jr. “Towards Peoples Art”

Gojo-Cruz, GenaroR. “Kwentong Pangkasarian sa mga Kwentong Pambata.” Malay Sining at Kultura. De La Salle University- Manila, 2007.

Rivera, Augie and Lim, Paolo. Si Diwayen: Noong Bago Dumating ang Mga Espanyol. Adarna House, 2001.

Singh, Manjari. Gender Issues in Children’s Literature. ERIC Clearing house on Reading, English and Communication Digest #135, 1998. Indiana School of Education. (http://www.indiana.edu/~reading/ieo/digests/d135.html)

Saturday, February 23, 2008

Denise Nuevo

Isang Pagdalaw sa Bahay ni Papa, Bahay ni Mama


Sa kasalukuyan, hindi pa gaanong laganap ang mga panitikang pambatang tumatalakay sa mga sensitibong konsepto gaya na lamang ng ipinapakita sa kuwento ng Bahay ni Papa, Bahay ni Mama ni Jean Lee Patindol. Pero kung tutuusin, hindi na naman bagong usapin ang paghihiwalay ng mag-asawa dito sa Pilipinas. Sa katunayan, umaabot ng 160 taun-taon ang mga naghahain ng pagpapawalang-bisa ng kasal sa NAMT o sa National Appellate Marital Tribunal (Natividad, 2008). At siyempre, bilang pa lamang ito ng mga nag-aabala pang maghain ng kaso. Hindi man bago ang isyu ng hiwalayan, halatang hindi pa tanggap sa lipunan ang ganitong paksa kung kaya naman ay hindi ko maisip kung ano ba ang katumbas sa Filipino ng broken family, broken home, at mga kaugnay na katawagan. Kaya naman kapuri-puri ang kwentong ito dahil sa pagtalakay nito sa isang sensitibong isyu na mga bata pa ang mga mambabasa.

Mula sa pabalat, makikita na wala ang mga tauhan at tampok ang ilustrasyon ng bahay ng nanay at ng tatay. Ang mga ilustrasyon na ito ay muling ipinakita sa unang pahina kung saan ipinakilala na ang tatlong batang babae sa kwento – sina Anna, Bianca at ang tagapagsalita. Matatagpuan sila sa gitna ng dalawang bahay. Ngunit sa pahinang ito, hindi pa lubos na malinaw kung alin ang bahay ni Papa at alin ang kay Mama.

Sa pangatlong spread ay binigyang-linaw na kung kanino ba talaga ang bahay, kasabay nang tuwing kailan sila nakatira dito. Ang bahay na tatsulok ang bubong at may mga kulay dilaw at berde ay pagmamay-ari ni Mama. Ang bahay naman na trapezoid ang bubong at may kulay asul ang kay Papa. Kapansin-pansin na pareho halos ang hugis at itsura (mapayat na parihabang nakatayo) ng mga bahay, maliban na lang sa nabanggit na kaibahan sa kulay at sa bubong. Ang pinakamalaking pagkakaiba o pagkakakilanlan, ayon sa kwento, ng dalawang bahay ay ang mga ginagawa ng mga batang tauhan dito. Kung sa bahay ni Papa ay naglalaro sila ng mga tren at eroplano at kumakain ng pizza hotdog, ice cream at mami, sa bahay naman ni Mama ay kumakain pa rin sila ng mga nabanggit ngunit nagpipinta naman sila ng mga bulaklak at bahaghari. Kagaya ng bahay, nariyan ang pagkakaiba ngunit mayroon ding pagkakapareho.

Kapansin-pansin na hindi makikita ang katauhan ni Mama at ni Papa sa ilustrasyon. Bagaman ilang beses silang nabanggit, mula pa lamang sa mismong pamagat hanggang sa katapusan, hindi makikita sa elementong biswal ang kanilang pisikal na itsura at ang tanging nakikita ng mambabasa ay ang tatlong bata sa kwento. Makikita nang kaunti ang itsura nila sa panlima at pang-anim na spread, ang parte ng kwento kung saan ipinapakita ang pagkakaiba ng mga patakaran sa bahay ni Mama at bahay ni Papa. Gayunpaman, makikitang implied lamang ang kanilang pisikal na itsura. May bigote si Papa samantalang hindi naman masyadong malinaw kung mahaba ba o hindi ang buhok ni Mama. Sa katunayan, kung ako ang tatanungin, hindi ko nakikita ang pagiging “Mama” ng ilustrasyon sa nanay. Unang-una dahil isang kapat lamang ng mukha niya ang nakikita. At pangalawa, tila walang interaksyon ang nanay sa mga anak niya (na masasabi rin sa ilustrasyon ng tatay).

Ang kawalan ng “presensiya” ng mga magulang pagdating sa elementong biswal ay mas lalong makikita sa panlabing-isa at panlabing-dalawang spread kung saan nagpunta si Papa sa bahay ni Mama dahil ika-anim na kaarawan ng pangunahing tauhan sa kwento(na hindi napangalan dahil nasa unang panauhan ang punta de bista). Makikita ang mga lobo at karatula na ginawa para sa kaniya ni Papa at Ana. Makikita rin ang cake na ginawa ni Mama at Bianca. Ngunit hindi makikita ang pagpunta ni Papa sa bahay. Hindi rin naipakita ang aktwal na preparasyong ginawa para sa kaarawan. Gayundin, binanggit sa kwento na tinulungan ni Papa ang tagapagsalita na hiwain ang cake habang si Mama naman ang nagbigay sa mga bisita. Ngunit sa ilustrasyon, ang makikita ay ang mga regalo, mga lobo at mga bisitang mga pinsan lamang. Hindi ipinakita ang nabanggit na eksena o kahit si Mama o Papa man lang.

Nang tinanong ng pangunahing tauhan ang Papa niya kung bakit hindi sila magkasama ng Mama niya sa isang bahay, sinagot ang bata ng isa ring katanungan: “Sa palagay mo ba, anak, maaaring maglakbay nang magkasama ang mga tren at mga eroplano?” Gayundin ang nangyari nang muling nagtanong ang bata sa kaniyang mama: “Paghaluin natin ang puti at ang dilaw. Anong kulay ang lalabas?”. Sa bata na rin nanggalin ang sagot: “Yuck! Kakulay ng poo-poo ni Bianca ang lumabas. Sa lahat ng ito, muli, hindi makikita ang mga magulang na nagpapaliwang sa anak.

Makikita lamang ang tren, eroplano, kulay puti at kulay dilaw. Sa tingin ko ay naging matagumpay naman ang paghahatid ng aklat na ito dahil nais ng may akda na magkaroon ng tamang pagtingin at pag-unawa ang mga mambabasa dahil hindi naman maiiwasan na may mga ayaw itong pag-usapan o kung pinag-uusapan naman ay hindi naman wasto ang pagtalakay dito (gaya na lamang ng mga pabayang kapit-bahay ni Patindol).

Itinatampok din ng tagpong ito ang konteksto ng kwento. Mahirap ipaliwanag ang isyu ng hiwalayan sa mga bata, lalo na dahil mismong sa ating bansa ay hindi pa ito tanggap. Ngunit naging matagumpay naman ang pagpapaliwanag dahil nagawa ito habang isinasaalang-alang ang konteksto ng isang bata sa pamamagitan ng paggamit ng mga device kagaya ng tren, eroplano at ng kulay puti at dilaw na malapit sa kamalayan ng isang bata.

Pagkatapos ng lahat ng mga nabanggit, epektibo ba ang kabuuang pagtrato sa ilustrasyon?
Nagiging epektibo ito dahil hindi nagsisilbing literal na pagsasalin ang mga larawan ng kwento. Kaya naman kung titignan, hindi maaring tumayong mag-isa ang ilustrasyon. Kailangan talagang basahin ang teksto upang maintindihan ang buong kwento.

Itinatampok ng mga larawan ang mga mahahalagang elemento ng kwento ngunit hindi sa literal na paraan. Gayunpaman, kagaya nang naipakita, hindi lubos na nailarawan si Mama at si Papa. Dahil dito, hindi naipakita ang relasyon ng mga magulang sa mga bata na sa kabilang banda, ay ipinakita rin naman ng mismong teksto (sa pamamagitan ng mga tagpo tungkol sa kaarawan, sa pagtatanong sa sitwasyon ng mga magulang). Kaya naman kung pagbabasehan ang ilustrasyon bago ang kwento, mas nabigyang-pansin ang paglalarawan ng karanasan ng mga bata kaysa sa relasyon ng magkahiwalay na magulang sa kanilang mga anak at pati na rin ang relasyon ng dalawang magulang sa isa’t isa.

Kahahanapan ng mga elemento ang kuwento gaya ng paggamit ng paghahambing (Gusto ko kapag nasa bahay ako ni Papa…, Gusto ko rin kapag nasa bahay ako ni Mama...), pag-uulit (Isa-isang dumating ang mga pinsan ko. Isa-isang dumating ang mga kaibigan ko) at mayroon ding enumerasyon (Kumakain kami ng pizza, hotdog, ice cream at mami). At matatagpuan din naman ang esensiya ng mga elementong ito sa mga larawan na nilikha ni Mark Salvatus III kagaya ng pag-uulit ng imahe ng mga tren at eroplano, pagpapakita ng mga pizza, hotdog, ice cream at mami, at pati na rin ng pagdagsa ng mga pinsan. Sa katunayan, ginamitan pa nga niya ito ng mixed media (gaya ng charcoal, akriliko at collage) na mas nakapagbibigay-tingkad sa mga paghahambing sa dalawang bahay.

Dominante ang kulay pula sa aklat na ito. Sa katunayan, pula ang background ng buong libro. Marami ang ipinaparating ng kulay na ito sa mga mambabasa. Pero kung ako ang tatanungin, nakakakuha ng atensyon ang kulay na ito. Pero malamlam na pula ang ginamit kaya sa tingin ko ay hindi sapat na atensyon ang makukuha niya, kung ihahalintulad ito sa tema ng kuwento, ang tingin ko dito ay sadyang nakakauha ng atensyon ang mga pangyayaring katulad na lamang ng paghihiwalay ng mga magulang. Kasabay ng atensyon, madalas din ginagamit ang kulay na pula upang ipahiwatig na kailangan ng aksiyon (na mapapansin ding ginagamit ng mga progresibong organisasyon). Maaari ring ipinapahiwatig nito ang isang babala dahil ulit sa mismong isyu ng hiwalayan na sa tingin ng marami ay hindi para sa bata. Sa palagay ko, ang kulay pula ay nangangahulugan ng pinagsama-samang atensyon, babala, at aksiyon.

Nagtapos ang kwento sa pamamagitan ng pag-uulit ng umpisa. Ipinakita muli ang bahay ni Mama at ni Papa, kagaya ng sa unang pahina. Sa pagkakataong ito nga lamang, itim lang pareho ang kulay nila dahil gabi na. Tila sinasabi nito na anuman ang mangyari, hindi na magbabago pa ang sitwasyon ng mga tauhan sa kwento. Nag-umpisa ang sa pagkakaroon ng magkahiwalay na bahay ni Papa at bahay ni Mama ang akda at sa katotohanang ito rin nagtapos ang lahat. Tila ba walang resolusyon ang kwento dahil bumalik lamang ito sa umpisa ngunit para sa akin, epektibo ito sa pagpapakita na sa huli, wala nang magagawa pa sa sitwasyon. Ang kaibahan nga lamang, sa pagkakataong ito, naipaliwanag na ng nanay at tatay ang kanilang sitwasyon sa mga anak.

Gayunpaman, mananatiling magkahiwalay ang bahay ni Mama at ni Papa, kagaya ng makikita sa ilustrasyon. Magkatabi man sa pahina ang kanilang mga bahay at halos pareho ang hugis at sukat, hindi ito magiging isa.