Wednesday, January 30, 2008

Gerg Anrol R. Cahiles

(KKbaKa)BATA:
Komersyalisasyon, Kritika at Kamalayang Pilipino sa Panitikang Pambata



Sa esensya, napakaganda at napakalaki ng gampanin ng panitikang pambata sa paghubog ng lipunang Pilipino. Bukod sa pagiging isang aliwan ng mga mamababasa, magandang tingnan din ang iba pang mga layunin nito gaya ng pagpapalawak sa imahinasyon at pag-iisip, at ang paghimok sa mga bata upang magbasa.

Lagi kong iniisip ang palaging sinasabi ng aming propesor na kung nais mong sakupin ang isang bansa, sakupin mo muna ang mga bata. Isang paglalantad na ang mga itinatanim ng mga kaisipan sa mga bata ay siya nilang dadalhin hanggang sa kanilang pagtanda. Sa ganito ay natatampok ang panitikang pambata (at panitikan sa kabuuan) bilang isang ideyolohikal na aparato ng estado gaya ng sinasabi ni Louis Althusser. Kaya naman malaki ang hamon para sa panitikang pambata sa Pilipinas. Paano ito magbabalikwas sa naghaharing Kanluraning kaisipan? Sa gahum? Nagsisilbing ba itong behikulo tungo sa isang maka-Pilipinong kamalayan ng mga mamamayan?

Susubukan kong ipakita sa papel na ito ang ilan sa aking mga obserbasyon hinggil panitikang pambata lalo’t higit sa mga salik na nakahahadlang sa pag-unlad nito.

Ingat ka, bata!

Malalim ang ugat na dapat nating hukayin upang ganap na makamit ang maka-Pilipinong kamalayang ibubunga ng panitikang pambata. Ayon na nga kay Virgilio Almario (2007) sa kanyang talumpating pinamagatang Mga Gampanin para sa Kaunlaran ng Panitikang Pambata na mahaba’t matindi ang kasaysayang kolonyal ng Pilipinas kaya mahirap iwaksi ang moralistikong atake sa panitikang pambata. Ngunit sinabi rin niya na ang layuning moral ay konserbatibo at nakahahadlang sa pagkakaroon ng makabagong pagtanaw sa buhay. Ilan sa mga moralistikong mga kaugalian na karaniwang tinatalakay sa mga aklat pambata ay kung paano magiging mabuting Kristiyano. Nakita ko ito sa aklat na Rosamistica buhat sa Mga Kuwento ni Lola Basyang na muling isinalaysay ni Christine Belen. Nariyan din ang usapin sa gender roles gaya ng sa Papel de Liha ni Ompong Remigio kung saan tahasang ipinanakikita ang hindi mapagpalayang konsepto ng mga tungkulin ng isang babae sa lipunan. Hinuhubog ng ganitong kuwento ang pagpapalawak sa isang piyudal na lipunan na isang malaking hadlang sa pag-unlad ng ating bansa.

Ngunit ganitong mga kuwento pa rin ang laganap sa merkado. Tila mangilan-ngilan lamang ang mga nangangahas na mga manunulat na kumawala sa makalumang pormula ng pagsulat ng mga kuwentong pambata. Bakit nga ba ganito? Dahil ba imbes na ang maging layunin ay makapaglabas ng mga akdang magpapalaya sa kaisipan ng mga bata ay nauuwi na lamang tayo sa pagsulat at paglilimbag ng mga istorya na batay sa makalumang pormula? Dahil ba ito ang tinatangkilik ng mga magulang at mga guro na siyang pumipili ng mga babasahin para sa mga bata? Anong masasabi diyan ng mga tao sa likod ng mga malalaking palimbagan ng mga aklat pambata?

Malinaw na ang panitikan, sa kalakhan, at ang panitikang pambata sa bansa ay profit-oriented. Ang market value ng isang akda ang siyang pangunahing salik para gawin at ilimbag ito bilang isang aklat pambata. Sa bibig na mismo ni Almario nanggaling na ang aklat pambata ay isang negosyo. Kaya naman hindi nakapagtataka kung picture book lamang ang klase ng librong pambata na inililimbag dito sa Pilipinas.

Kawawa ka, bata

Komersiyalisado ang panitikang pambata, sa madaling sabi. Kaalinsabay ito sa market driven na ekonomiya ng Pilipinas na isinusulong ng gobyerno. Ito ay sa kabila ng katotohanang malaking bahagdan ng mga Pilipino ay naghihirap.

Dahil sa kahirapan, karamihan pa sa mga kabataan ngayon ay hindi nakapag-aaral. Hindi katakataka na umabot lamang sa 84.1% ang functional literacy rate ng mga Pilipino noong 2003 ayon sa website ng National Statistical Coordinating Board (NSCB). Kung pagbabatayan ang istatistika ng Department of Education (DepEd), bukod sa 200,000 kabataang hindi kailanman nakatutuntong sa paaralan taun-taon, makikitang 66% lamang ang survival rate sa elementarya. Kung ang pormal na edukasyon pa nga lamang ay hindi pa makayanang pagkagastusan ng karamihan sa mga mahihirap na pamilya, ano pa kaya ang paggastos sa mga aliwan gaya ng mga aklat pambata.

Mabibili ang pinakamurang aklat pambata sa halagang P50-P60 (depende pa ito sa kung sino ang naglimbag). Gayong gustong magkaroon ng mga aklat pambata ang karamihan sa mga mahihirap na bata, hindi nila ito nagagawa dahil sa hirap ng buhay. Kung tutuusin, sapat na ang halaga ng isang aklat upang ipambili ng ng dalawang kilos bigas.

Sa ganito, makikita natin na hindi pa man umuusbong ang popularidad ng panitikang pambata ay bigo na agad itong maarok ang mga pangunahing layunin nito. Ang mga aklat na dapat sanang magpapalawak sa kanilang imahinasyon at kaisipan at sana’y mag-uudyok sa kanila upang magbasa ay sa panaginip na lamang nila makakamtan.

Humayo ka na, bata

Mahalagang magkaroon ng kamalayang Pilipino ang panitikang pambata. Sa sanaysay na Globalisasyon, Kultura at Kamalayang Pilipino ni Napoleon M.Mabaquiao Jr.(2007), nagbigay siya ng apat na pamantayan upang masabi na ang isang isang kamalayan ay Pilipino. Narito ang mga ito: (1) Kung ang isang bagay o pangyayari ay may kinalaman sa bansang Pilipinas o sa mga mamamayang Pilipino; (2) Kung ang mga ito ay nakaugnay sa mga bagay na makatutugon sa pangangailangan ng bansang Pilipinas o ng mga mamamayang Pilipino; (3) Kung ang pagkakaugnay ng mga ito sa isang bagay o pangyayari ay nasa isang pananaw kung saan ginagamit na konsepto ay akma sa kontekstong Pilipino o wikang Filipino; at (4) kung ang pagkakaugnay nito sa isang bagay o pangyayari ay nagaganap sa konteksto ng isang lugar o panahon sa bansang Pilipinas.

Malinaw ang mga binabanggit ng mga pamantayan. Kung ako ang tatanungin, ito ang mga pinakaunang bagay na hinahanap ko sa kuwentong pambata. Kung ganito ang nilalalaman ng mga kuwentong pambata, magtuturo ito upang magkaroon ang mga bata nang konsepto ng pagpapahalaga at kaisipan upang paunlarin ang ating bansa.

Sang-ayon naman ako kay Almario na nangangailangan ng mas matapat na kritisismo ang panitikang pambata. Mahagang pagtuunan ng pansin kung paano iwawaksi ang mga pormulado at limitadong mga kuwento at kung paano mapauunlad pa ang mga ito. Maaatim ito sa pamamagitan ng mas maraming pang-akademikong diskusyon hinggil sa panitikang pambata.
At ang panghuli ay ang pagwawaksi sa komersiyalisadong oryentasyon ng panitikang pambata. Ito marahil ang magiging pinakamahirap sa lahat. Una dahil sa pagtingin sa panitikang pambata bilang negosyo at pangalawa sa isinusulong na kapitalismong pagtingin sa ekonomiya ng Pilipinas. Ito ay nangangailangn ng mahabang panahon ng pakikipagtunggali at mahabang panahon ng pakikibaka sa gahum na bunsod ng imperyalistang kaisipan ng mga Kanluraning bansa at tuta ng mga Kanluraning bansa.

Sa pag-abot sa ganitong mga solusyon ay pihadong sisigla ang panitikang pambata sa Pilipinas. Maaaring mahirap ngunit dapat na nating simulan. Kung walang mangangahas, walang magbabago. Ito ay isang hamon.

Malayo pa ang lalakbayin ng panitikang pambata upang maabot ang tugatog ng kahusayan at kapakinabangan nito. Ngunit sa tamang gabay at kaisipan, maituturing na banagtasin na nga ng panitikang pambata ang direksyon tungo sa kanyang tunay na tagumpay.


Mga Sanggunian:

Almario, Virgilio S. Mga Gampanin Para sa Kaunlaran ng Panitikang Pambata. Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Hulyo 2007

Althusser, Louis. Essays on Political Ideology

Evasco, Eugene Y. Pagkatha Para sa mga Bata: Mga Suliranin, Hamon at Estratehiya. Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

Jimeno,Jaileen F. PCIJ: RP Market for Children’s Books Defies Growth. June 2007

Mabaquiao Jr., Napoleon M. Globalisasyon, Kultura at Kamalayang Pilipino. Maynila: Pamantasang De La
Salle. April 2007.

www.nscb.gov.ph

Saturday, January 26, 2008

William Manzano

Puno't Dulo para sa Puno't Bunga

Kung hindi ko kinuha ang Pan Pil 165, hindi kami nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ng nobya kong si Irene.
Bagama't wala pa sa aming mga kasalukuyang plano ang magkaroon ng anak, madalas naming mapag-usapan ang mga dapat na maiparanas sa aming magiging bunga. Sa mga ganitong usapan ay nagkakaroon na kami ng pagtatalo dahil sa mga nalaman at napatunayan ko sa mga binasa at inunawang mga akda at sanaysay sa kursong ito.
Marahil ay natural lamang sa kahit sinong magulang (o magiging magulang) ang mangarap ng mas maganda at mas masayang kabataan kaysa sa kanilang dinanas para sa kanilang mga anak. Sabi ni Irene, hindi raw siya nakaranas ng masyadong masayang pagkabata. Dahil seaman ang tatay niya, hindi niya ito madalas nakasama sa pamamasyal sa mga mall, sa panonood ng sine, o sa pagsisimba tuwing Linggo. Hindi siya nagkaroon ng mga mamahaling laruan tulad ng Barbie at Sky Dancers. Ni minsan daw ay hindi siya nabasahan ng Cinderella ng kanyang nanay bago matulog. Ang mga ganitong bagay daw ang gusto niyang iparanas at ibigay kapag nagkaroon na siya ng anak.
Kung sa ganitong pilosopiya ako manghahawak, mas maraming mga laruan ang ibibili ko sa aking anak, oras-oras siyang manonood ng Cartoon Network o Nickelodeon, makatatanggap siya ng regalo mula kay Santa Claus hanggang magbinata o magdalaga siya, at madalas niyang magiging tanghalian ang Chickenjoy o McSpaghetti. Nguni't ipinipilit ko na ayaw kong maging biktima ang aking anak ng kolonyal na paniniwala at pag-iisip, kasama na ang lumalalang komersalisasyon sa bansang ito.
ISa sa aming madalas na pinagtatalunan ay ang unang wika na dapat malaman ng bata. Para sa kanya, mas mainam kung mga aklat na Ingles ang unang mababasa ng kanyang anak, dahil ang wikang iyon ay nakapagpapatalino sa bata. Ang iginigiit ko naman sa kanya ay mabuting ang sariling wika ang unang matutunang basahin at bigkasin ng bata, at mainam na maagang maipakilala sa kanya ang kulturang Pilipino gaya ng naipakita sa "Unang Baboy sa Langit". Idinagdag ko rin na walang kinalaman ang pagiging maalam sa wikang banyaga sa pagiging matalino ng isang tao. Sa katunayan ay napatunayan kong higit na magandang pakinggan at basahin ang wikang Filipino kaysa sa Ingles sa pagbabasa ng "Sundalong Patpat".
Sinabi ko rin sa kanya na hindi ko papayagang mabasa ng aking anak ang mga kuwentong Sleeping Beauty o Cinderella lalong lalo na kung ito ay babae. Ayaw kong lumaki sila sa paniniwalang kailangan nila ng lalaki upang maging ganap ang kanilang pagiging babae. Lalongayaw ko na masanay sila sa pag-iisip na ang mga akdang banyaga ang pamantayan ng pagkatuto ng bata.
Sinabi ko kay Irene na kailangang piliin nang mabuti ang mga itinuturong paniniwala sa mga bata, na karaniwang mapupulot sa mga aklat at akdang ipababasa sa kanila. Kung maagang maitatanim sa isipan nila na lahat ng kuwentong nagsisimula sa "Once upon at time..." ay magtatapos sa "... they lived happily ever after" (na metapora sa kolonyal na konseptong American Dream), hindi magiging makatotohanan ang pananaw nito sa mundong gagalawan. Mainam na maipakita sa kanya kung paano ang mabuhay sa isang mundong totoo na hindi tahasang nangangaral. Hayaan dapat ang bata na mag-diskubre sa halagahan na kayang dadalhin sa kanyang pagkakaroon ng gulang.
Sa ganitong argumento ay inakusahan ako ni Irene na pagkakaitan ko raw ng kasiyahang pambata ang aming magiging anak. Sinagot ko siya na magkakaroon ang bata ng kaaliwan at kasiyahan kapag maganda at masarap ang inilalagay sa kaniyang isipan, at hindi mga kapinsa-pinsalang produkto ng kolonyalisasyon at komersalisasyon tulad ng Flying House, Disney, Nickelodeon, McDonald's at Jollibee.
Sa ngayon ay plano kong ipabasa ang mga sanaysay at mga akdang nabasa ko sa kursong ito kay Irene. Kung hindi niya pa rin mauunawaan ang aking mga paninindigan, hindi ko alam kung paano pa kami magkakasundong muli.

Denise Nuevo

Kawalan ng Kabataan at Pagsilang sa mga Bagong Pananaw

Isa ako sa mga batang lumaki sa kasabihang, “Kung anong puno ay siya ring bunga.” At sa madaling salita, hindi mahilig magbasa ng mga aklat ang aking mga magulang kaya hindi ko rin ito nakahiligan. Nang makapasok ako sa Unibersidad ng Pilipinas, napag-isip-isip kong mas nakabuti sana kung nakapagbasa ako ng sangkatutak na aklat noon pa. Minamadali ko tuloy basahin ang mga bagay na dapat sana ay nabasa ko na dati. At sa aking pagbabasa, natuklasan kong may pinanggagalingan pala talaga ang kawalan ng hilig sa pagbabasa, lalo na dito sa Pilipinas.

Dahil sa hirap ng buhay sa ating bansa, halos hindi na itinuturing na pangangailangan ang mga aklat. Sumasang-ayon ako kay Ani Rosa Almario, ang isa sa mga kinatawan ng Adarna House, ng sabihin niyang ang pinakauna pa ring isinasaalangalang ng mga magulang sa pagpili ng aklat ay ang presyo (Jimeno, 2007). At sa aking pagkakaalala, kasali ang mga magulang ko sa kanyang tinutukoy at hindi malabong ganoon din ang kanilang mga magulang. Inaamin ko rin na panay textbooks ang laman ng estante ng aklat sa bahay namin. Kaya nang makatungtong ako sa klase ng Panitikan ng Pilipinas 165: Panitikang Pambata, lubusan kong naramdaman kung gaano karami ang napalagpas ko noong bata pa ako dahil lang sa kakulangan ng wastong mga babasahin. Totoo ngang isang pribilehiyo ang makaranas ng pagkabata sa Pilipinas. (Evasco)

Kaya ngayon ay iniisip ko rin kung ilan pa kaya ang Pilipinong katulad ko na lumaki sa ganitong klaseng tahanan. Marahil ay maswerte pa nga ako dahil kahit papaano ay may mga ilang aklat pa naman akong nabasa. Paano na lamang kaya ang mahigit 11 milyong Pilipino na walang kakayahang bumasa at sumulat? (FLEMMS, 2003)

Minsan nga ay parang nagkakaroon na ako ng Messianic complex dahil sumasagi sa isip ko na kung mayaman lang ako ay gagawin ko talagang libre ang edukasyon para sa lahat at patataasan ko ang sahod ng mga guro para naman ganahan silang magturo hindi katulad ng mga kaiyak-iyak kong mga guro dahil kahit anong gawin ko ay wala talaga akong natutunan sa kanila. Maaari kayang magpaulan na lamang ako ng mga dekalibreng panitikang pambata para hindi matulad ang mga susunod na henerasyon sa isang katulad ko na nagsayang ng ilang taon sa pagbabasa ng mga textbooks na mali-mali naman ang laman? Pero ang totoong tanong, paano nga ba matutukoy ang isang dekalibreng akda?

Kaunti pa lamang ang nababasa ko at marahil ito rin ang dahilan kung bakit ayos na sa akin ang Papel de Liha ni Ompong Remigio. Kung hindi ito tinalakay sa klase, baka maisipan ko pa itong iregalo sa aking nakababatang pinsan. Bilang isang babae ni hindi ko man lang napuna kaagad ang pagkakahon sa isang babae bilang taga-gawa lamang sa loob ng bahay dahil natuwa na ako sa ilustrasyon at nadurog ang aking damdamin sa “ayaw ko nang bumitiw pa.” Ikinalulungkot kong sabihin na kung sakaling mapabilang ako sa isa sa mga hurado ng isang patimpalak, madaling mananalo sa akin ang mga ganitong klaseng akda. Inaamin kong hindi pa ako gaanong nakalubog sa mundo ng panitikan, lalo na kung sa panitikang pambata dahil hindi madaling punahin ang mga bagay na halos ngayon mo pa lang nasisimulang maranasan.

Nabanggit nga ni Virgilio Almario sa kanyang talumpati noong Hulyo 2007 na may isang naiibang katangian ang panitikang pambata. Ayon sa kanya, “May tiyak itong mambabasa: ang mga bata o ang kabataan.” At sa aking palagay, kung nabasa ko ang mga babasahin namin sa klase noong bata pa ako, mas magkakaroon ako ng ibang pagtingin at pagpapahalaga dito ngayong matanda na ako. Ngunit sa aking karanasan, para yatang mas nagiging bata akong muli habang ako ay nagbabasa sa halip na magsilbing isang kritiko.

Marami ngang maling paniniwala at pagkilala sa panitikang pambata sa ating bansa gaya na lamang ng pagturing na ito ay mababaw at kinakailangang kinababalutan palagi ng aral. Nakalulungkot mang isipin, ito ay maling katotohanan na patuloy pa ring kumakalat hanggang hindi ito nabibigyan ng lunas. Mahirap nga namang gamutin ang isang sakit kung ang tanging lunas ay ang magbasa nang magbasa pero halos wala kang magawa sapagkat mas mahal pa sa gamot ang mga aklat. Sa mga ganitong panahon ay nais ko na lamang magalit at kung maaari lamang magwala at sumigaw. Ano ba talaga ang ginagawa ng gobyerno natin?!

Lilian Luz Cruz

Pag-unawa sa Panitikang Pambata
Panitikang Pambata, kung titingnan ang dalawang salitang ito makikita kaagad na ito ay binubuo ng kahit anong uri ng panitikan na para sa bata. Sa salitang bata matutukoy kaagad ang tiyak nitong mambabasa, ang bata. Dahil sa ilang mga paghamak sa bata at pagmamaliit sa kakayahan nito, hindi rin ligtas dito ang panitikang pambata. Maraming mga mababanggit na miskonsepsyon at maling pagtingin tungkol dito. Ang talamak na sigurong pagtingin ay ito ay mababaw, dahil na rin siguro sa pag-iisip na dapat ang nilalaman nito ay madaling maunawaan ng bata. Kahit ako bago ako kumuha ng kursong ito, nasa isip ko na ito ay mababaw. Pero kung iisipin, isa itong pagkwestiyon sa kakayahan ng bata. Tila hindi hinahayaang umunlad ang bata o kaya hindi ito tinitingnan bilang ganap na tao. Isa itong malaking pagkakamali dahil kung pag-aaralang mabuti ang panitikang pambata, makikita na napakayaman nito sa mga ideya, makabuluhan ito at hindi isang panitikan na basta-basta lamang babalewalain. Sa kabilang banda, nakakatuwa dahil marami na tayong makikita na mga aklat pambata sa kasalukuyan. Ang mga ito ay may halagang 60-66, ang presyong ito ay hindi gaanong mura kung sa panlasa ng mga nanay na pinagkakasya ang kakarampot na sweldo sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilya. Masasabing middle class o ang mga magulang na nangongolekta ng mga librong mababasa ng kani-kanilang anak ang maluwag sa loob na makakabili nito. Bilang solusyon ng ilang mamamayan, mas tinatangkilik nila iyong mga aklat pambata na imitation o iyung mga pirated. Kung noon, mga DVD at VCD lamang ang pinipirata, ngayon sa mga bangketa marami nang nagbebenta nito. Ang papel na ginamit ay newsprint at wala itong kulay kaya mabebenta lamang ito ng 10 pesos. Sa ganitong sitwasyon, ang maaaring maiugat lamang ito sa matinding kahirapan na nararanasan ng lahat ngayon.
Kung ang nilalaman ng mga kwentong pambata ang pag-uusapan, maraming mga kwento ang masasabing maganda. Iba-iba ang mga maaaring tema, maaaring mga karanasan ng bata, ang kapaligiran nito, pantasya, bayani at iba pa na makakapukaw ng imahinasyon at isipan ng bata. Sa anim na nabasa sa klase, ang Ang Unang Baboy sa Langit ni Rene Villanueva, Two Friends, One World ni Ramon Sunico, Mayroon Akong Alagang Puno ni Carla Pacis, Sundalong Patpat ni Virgilio Almario, Papel de Liha ni Ompong Remigio at The Greediest of Rajahs and the Whitest of Clouds ni Honoel Ibardolaza, may mga ilang mahalagang mabanggit tungkol sa mga aklat pambata. Una, mapapansin na hindi talaga mawawala ang pantasya. Maganda ito dahil sa nilalaro nito ang imahinasyon ng bata. Sa pagiging bata na siguro makikita at mapapansin ang malakas at malawak na imahinsayon. Tulad ng sinabi sa May Alaga akong Puno, nakakalungkot isipin na sa ating pagtanda, tumitigil na tayong mangarap at managinip. Kasabay na rin siguro nito, nawawala na rin ang ating pagpapahalaga sa mga maliliit at mga simpleng bagay sa paligid natin. Ikalawa, masasabi na hindi rin mawawala ang aral sa mga kwento, bukod sa kagandahan asal o pag-uugali, hindi mawawala ang ilan pang mga kaalamang mapupulot dito. Sa mga kwentong ito, nalalakbay natin ang iba’t-ibang lugar, nakikita ang iba’-ibang kultura at nagiging pamilyar tayo sa ilang mga karanasan at sitwasyon. Ikatlo, masasabi na kahit kilala ang awtor, may mga pagkakataon pa rin na may ilang kapuna-puna sa kanilang mga akda, katulad na lamang sa mga nabanggit sa Ang Unang Baboy sa Langit. Mapapansin na hindi naman marumi ang pangunahing kaaway ng bidang baboy sa kwento. Ikaapat, kapansin-pansin ang ilan na may salin. Merong mga salin na nagiging literal, may iba naman na malayo sa orihinal at may iba na pilit kung merong tugma. Makikita dito na mahirap talaga ang gawaing pagsalin ng mga kwento dahil sa may ilang mga ideya na hindi naisasama o kaya ay wala namang direktang salin. Ikalima, masasabi na importante kung meron itong identidad na Pilipino, maganda sana kung sa mga kwento ay maging pamilyar at mulat ang mga mambabasa sa kultura natin. Masasabi na maganda rin naman kung gumamit ng ilang kultura tulad ng sa The Greediest of Rajahs and the Whitest of Clouds dahil namumulat tayo sa iba pang kultura sa daigdig. Ikaanim, sa pagsusuri ng kwento, magandang tingnan kung pambata nga ba ito. Mahalaga ito dahl sa ang tiyak na mambabasa nito ay bata. Maganda rin kung ang mga mismong tinatampok sa kwento ay mga bata. Tulad ng pagpapakita na may lakas, tinig at kakayahan din ito. Ikapito, siguro sa mga nabasa, ang pangunahing kahinaan ng mga aklat ay ang ilustrayon nito. Mahalaga ang ilustrasyon dahil dito mas nakikita at nagiging malinaw sa isipan ng mga bata ang nangyayari sa kwento. Ang ilang mga lumabas na kahinaan dito ay ang mga sumusunod:
Una, Walang buhay ang larawan, mapapansin ito sa Sundalong Patpat na tila hindi makikita sa ilustrasyon ang mga nangyayari sa teksto. Ikalawa, hindi binibigyan ng espasyo ang teksto. And ikatlo, may ilang mga kasama sa ilustrasyon na dekorasyon lamang. Ang masasabing magandang ilustrasyon ay iyong hindi parang eksibit kung hindi iyong naibibigay at napapakita nito kung ano ang sinasabi ng teksto. At ang ikawalo, hindi lahat ng mga nagwagi ng gantimpala ay magaling. Siguro ay kinakailangan na masuri ng mabuti kung ano nga ba ang mga karapat-dapat na manalo sa mga paligsahan at hindi madadaan sa palakasan lamang ng koneksyon.
Masasabi na nakakausad na ang panitikang pambata at umuunlad na nga ito. Marami na ang mga nagsusulat at kahit sa eskwelahan ay nabibigyan na rin ito ng pagpapahalaga. Siguro kailangan na lamang ang ibayong pagpupursige para sa mga manunulat at mga ilustrador na mahasa ang kanilang mga kakayahan. Kailangan din na pagtuunan pa ng pansin ang mga pangangailangan ng mga bata at ibigay ang tamang pagpapahalaga at pagturing dito. Siguro kailangang maaksyunan na rin ang problema sa kahirapan na nag-uugat sa maraming problema sa bata gayon na rin sa kakayanhan ng mga tao na tangkilikin ang mga ganitong babasahin. Ang panitikang pambata ay hindi makakailang maganda, kailangan lamang ang bukas at kritikal na pag-iisip para maunawaan ito at mabigyan ng tamang pagpapahalaga.

Kristine Rementilla

“Prinsesang Kirara”
Bata pa lamang ako ay nabansag na sa akin ang mga pangalang “sutil”, “spoiled brat” at ang pinakapaborito ko, “Prinsesang kirara”. Hindi naman kasi ako bagay na prinsesa dahil sa morena kong kutis, hindi tulad ng mga napapanood kong prinsesa sa Disney tulad ni Snow White. Hindi kami mahirap pero mas lalong hindi kami mayaman. Kaya naman ang aking mga alaala noong aking pagkabata ay paghahalo ng parehong mapait at masaya. Bawat batang lumaki ng dekada ’90 ay alam kung gaano kasaklap hindi magkaroon ng Polly Pocket dolls, Hawaiian Barbie na may partner na Hawaiian Ken, Ghost Fighter Collectibles at mga manga comics. Pati na rin ang hindi pagkumpleto ang Happy Meal ng Mcdo o Kiddie Meal ng Jollibee, hindi pagkakaroon ng Cartoon Network sa TV, o ang mapanood ang “Lion King” sa sinehan.
Isa ako sa mga nakaranas ng diskriminasyon ng hindi pagkakaroon ng bagong bag, sapatos, pencil case na Hello Kitty sa tuwing pasukan dahil sadyang matipid ang mga magulang ko pagdating sa ganyang bagay. Dinaan ko na lamang sa iyak at pagwawala sa harap nila, nagbabakasakaling pagbibigyan nila ang aking hiling ngunit kabaligtaran ang nangyari, at natatawa lang sila habang tinatawag akong Prinsesa Kirara. Sa tuwing binabalikan ko ang mga alaalang ito, natatawa ako sa kababawan at kasutilan ko ngunit hindi ko rin maiwasang magtanong sa kung ano ang kadahilanan ng ganitong pag-uugali, hindi lamang ako kundi ng lahat ng mga dumadaan sa pagkabata. Sa aking pagkuha ng Panitikan ng Pilipinas 165 sa pagtuturo ni Sir Eugene Evasco, natalakay namin ang bata bilang isang “target market” ng konsumerismo. Hindi maiiwasan na ang mga iba’t-ibang produkto tulad ng pagkain at laruan pati ang mga pelikula at cartoons ay nagiging pamantayan ng kanilang mga masayang alaala bilang bata. Hindi mali ang pagbebenta ngunit kailan nga ba ito nagiging mali at nakakasira sa pagiging bata ng isang tao?
Sa sanaysay ni Roland Tolentino (Ang Pinag-aagawang Bata sa Panitikang Pambata: Folklore, Media at Diskurso ng Bata) sinabing ang middle-class o gitnang –uri ang pinaka-target ng konsumerismong ito at ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng mga komersyal na gumagamit ng pampamilyang tema. Hindi na rin nakakasakit ang pagtampok ng mga premyadong artista para lalong maging agaw-pansin sa masa. Nagiging mali ito dahil hindi naman gitnang-uri ang bumubuo sa populasyon ng ating bansa, bagkus, hindi lahat ay kayang makaranas ng inihahandog na kasiyahang dala ng chicken joy na siyang nagbubuo ng kakulangan sa mga inosenteng batang ito.
Natalakay din sa klase ang iba’t-ibang mga librong pambatang isinulat ng mga premyadong manunulat na bansa tulad ni Rene Villanueva at Virgilio Almario. Isa sa mga librong aming tinalakay ay ang “Mayroon akong alagang puno” na isinulat ni Carla Pacis. Ang pambatang aklat na ito ay tungkol sa isang batang babae na may alagang puno sa kanyang kwarto na siya lang ang nakakakita, ang kanyang mga karanasan niya dito at ang biglang pagkawala ng puno nang siya’y nagdalaga na. Naging mainit ang diskusyon sa klase dahil marami ang hindi nagkagusto sa librong ito dahil sa iba’t-ibang dahilan. May ibang ayaw ang pagkakasulat sa istorya dahil parang tinatawanan ang imahinasyon ng bata sa pagkakaroon ng alagang puno na siya lang ang nakakakita. Ang iba naman, tulad ko, ay hindi nakakita ng Pilipinong oryentasyon sa ilustrasyon na siyang isang malaking kakulangan pagdating sa aklat pambata. Importante and distinksyong ito para sa mga batang mambabasa dahil kailangang makita nila ang sarili nila sa tauhan ng kwento upang ito ay maging isang epektibong panitikang pambata. Ngunit ang talagang agaw-pansin sa librong ito ay ang isang pahinang nasa pinakadulo na naglalaman ng mga datos tungkol sa pag-aalaga ng puno at kung anu-ano pang siyentipikong kaalaman ukol dito na sadyang inilagay para sa mambabasang bata. Naisip ko tuloy na kaya ba bibilhin ng magulang ang aklat na pambatang ito para sa anak niya ay dahil sa aral na makukuha niya sa pinakahuling pahina na kung titingnan ay wala naman talagang koneksyon sa istorya. Para sa akin, ang mga ganitong uri ng edukasyon sa bata ay naaayon lamang sa textbooks na kinabibilangan nito at hindi sa mga aklat pambatang tulad ng isinulat ni Carla Pacis.
Sa unang kabanatang ito ng aming klase ay agad kong naintindihan ang kalagahan ng pagtatalakay hindi lamang ng mga aklat pambata at mga manunulat kundi pati na rin ang bata mismo at ang lipunang kanyang ginagalawan. Ang aklat pambata ay isa sa mga maaaring humubog sa kinabukasan ng bata at dapat itong bigyan ng mataas na respeto. Ang pagtawag dito bilang isang stepping stone ay mali dahil hindi ito mas madaling uri ng panitikan tulad ng inaakala ng mga tao. Ngayon, hindi pa rin nauubos ang mga batang nakakaranas ng pagkukulang, hindi pa rin nakakaranas ang lahat ng inaakala nilang “childhood” kung saan makakapaglaro ka sa playpen habang may nakaabang sa iyong nanay na may hawak na Burger Mcdo na isusubo sa iyo. Habang hindi natatapos ang ganitong pagtingin sa bata ay naniniwala akong mananatiling mababa ang tingin sa panitikang pambata dahil habang ginagawang inosente ang bata ay mananatiling inosenteng uri ng panitikan ang panitikang pambata na tulad ng bata ay dapat diktahan, lagyan ng batas, ikahon sa ganitong pananaw at ang pagbuo ng mga Prinsesang Kirarang hati sa pagitan ng puti at itim.

K Obusan

Panitikang Pambata sa Pilipinas: Isang Dapat Alagaang Industriya
Inaamin ko na ang pagtingin ko sa panitikang pambata dati ay hindi kasintaas ng pagtingin ko dito ngayon. Tulad ng iba, inisip ko dati na ang panitikang pambata ay mas madaling basahin kaysa sa mga akdang ginawa para sa mga matatanda. At katulad din ng pagbabasa rito, akala ko rin noon ay madali ang pagsusulat para sa mga bata. Ngunit batay sa mga babasahing ipinabasa sa klase, gayundin sa mga pagtatalakay na ginawa, nalaman kong hinding-hindi dapat “ismolin” ang panitikang pambata.
Nakalulungkot isipin na bata pa lamang kung tutuusin ang kasaysayan ng panitikang pambata sa Pilipinas. Noong 1970s lamang nasimulan ang proyekto ng gobyerno na maglimbag ng mga aklat para sa mga bata. Ito nga ay bahagi ng programang busugin hindi lamang ang mga kumakalam na tiyan ng mga bata, kundi pati na rin ang kanilang mga isipan. Maganda ang naging bunga ng proyektong ito- ang Aklat Adarna na nangunguna na sa kasalukuyan sa paglilimbag ng mga aklat pambata sa ating bansa.
Nakatutuwang isipin na sa pagpunta sa mga “bookstore” ngayon ay napakarami nang makikitang aklat pambata, hindi lamang Aklat Adarna. Hindi na nahuhuli ang mga aklat na gawa rito sa bansa sa mga aklat na gawa sa ibang bansa.
Pero hindi lamang ang produksyon ng mga aklat ang mahalaga sa pagsibol ng panitikang pambata, higit na mas mahalaga ang pagsusulat ng mga maiinam na paksa sa mga aklat na ito.
Hindi ako sang-ayon sa masyadong “censorship” na ginagawa ng mga magulang at mga guro sa mga aklat pambata. Dapat nilang baguhin ang kanilang pagtingin na ang panitikang pambata ay nakakahon sa mga katangian ng mga “textbook”- nagbibigay ng mga kaalamang natututunan sa paaralan at nagtuturo ng magandang asal. Sa halip ay dapat isipin na ang pangunahing tungkulin ng panitikang pambata ay makapagbigay-aliw, at dahil dito mas mainam na magkaroon ito ng artistikong katangian imbes na mga kaalaman at aral. Maganda rin na tumalakay ang mga aklat na ito ng mga paksang hindi madalas naisusulat para mamulat ang mga mata ng mga bata sa realidad ng mundo. Ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon ng kuwento ng pagka-Pilipinong tema.
Mas malaki naman ang hinihingi sa mga “picture book” dahil dapat ay may kasal ng ilustrasyon at teksto. Maging ang salin sa iba’t ibang wika at dayalekto ay dapat ding maging epektibo.
Sa lahat ng kuwento sa panitikang pambata, ang bata ay dapat laging ipinapakita bilang isang bayani sapagkat naitataas nito ang pagtingin sa mga bata.
Ang nabasa naming “Ang Unang Baboy sa Langit” ni Rene Villanueva ay maganda dahil ito ay may katatawanan, may pagka-Pilipino at hindi hayagan ang pagbibigay nito ng aral. Pero ito ay mayroon ding mga kamalian sa paggamit ng mga insekto na dapat ay sumisimbolo ng karumihan.
Isa pang aklat na ipinabasa ay ang “Mayroon Akong Alagang Puno” ni Carla Pacis. Naging kalakasan ng aklat na ito ang ilustrasyon ngunit ang teksto naman ang naging kahinaan. Ang bata sa akda ay walang aktibong partisipasyon sa kuwento. Para sa akin ay imbes na siya ang nag-alaga sa puno, siya ang inalagaan nito sapagkat ang puno ang gumawa ng mga paraan para mapalapit sa bata at hindi siya nito makalimutan. Mali rin ang tema nito na ang imahinasyon ay nasa bata lamang dahil hindi nawawala sa tao ang imahinasyon, nag-iiba lamang ito ng katangian.
Nagustuhan ko ang sinulat ni Ramon Sunico na “Two Friends, One World” dahil tumalakay ito sa naiibang paksa na pagkakaroon ng kapansanan. Naipakita nito na hindi kawalan sa pagkatao ang pagkakaroon ng kapansanan dahil lahat tayo ay nagtataglay ng mga katangian na wala sa ibang tao at ang mga katangian naman na wala tayo ay napupunan ng ibang tao sa pakikipagkaibigan natin sa kanila.
Ang “Sundalong Patpat” ni Virgilio Almario ay mayroong epektibong akda ngunit problemado naman ang ilustrasyon nito. Umiral ang pagka-“artist” ng ilustrador sa halip na gampanan niya ang kanyang trabaho na gumawa ng ilustrasyon na umaagapay sa teksto.
Bagsak naman sa pagiging Pilipino ang “The Greediest of Rajahs and the Whitest of Clouds” ni Honoel Ibardolaza. Ang ilustrasyon nito ay umabuso sa “folk art” at hindi man lamang nagpakita ng katangiang Muslim, na katanggap-tanggap pa sana sapagkat ito ay Pilipino.
Sa unang pagbasa ng “Papel de Liha” ni Ompong Remigio ay nagustuhan ko ito dahil nagpupugay ito sa mga ina, lalo na ang mga nagtatrabaho sa bahay. Ngunit naitalakay sa klase na ito pala ay seksista sapagkat nagpapakita ito ng estereotipo ng isang ina. Ang ina ay ipinakita bilang taga-linis lamang sa bahay na dapat pang magpaganda para matugunan ang pangangailangan ng kanyang asawa.
Lubos na mahirap pala ang gumawa ng aklat pambata. Dapat ay maging maingat sa pagpili ng paksa ng mga akda. Ito dapat ay may pagka-Pilipino, tumatalakay sa mga paksang hindi madalas na naitatampok sa mga kuwento, hindi seksista, nagpapakita ng bata bilang isang bayani, at marami pang ibang katangiang dapat pahalagahan. Dapat din ay may kasal ang teksto at ilustrasyon sa mga “picture book”. Ang pagsasalin din ay dapat epektibo. Hindi rin pwedeng kaligtaan na dapat ito ay mura sapagkat ang bata ay pinag-aagawan ng iba’t ibang korporasyon na nagbebenta ng mga pagkain, gamit o laruan na maaaring mas makakuha ng kanilang atensyon.
Sa aking palagay, kung magpapatuloy ang pagsibol ng panitikang pambata sa Pilipinas, ay magiging isang malakas na industriya ang paglilimbag ng mga aklat pambata at mas mahalaga rito, magkakaroon ng ng kultura ng pagbabasa sa mga bata sa ating bansa.

Wednesday, January 16, 2008

Magandang Gabi

Mga kaibigan dahil sa request ni Sir.

Ito na ang ating blog.

Maraming salamat.

P.S. Sa mga dapat maglagay ng kanilang mga akda sa ating blog, maaari niyo na itong ilagay. Ibibigay ko sa Y!G ang ating log in details.

Regards,

Alpha