“Prinsesang Kirara”
Bata pa lamang ako ay nabansag na sa akin ang mga pangalang “sutil”, “spoiled brat” at ang pinakapaborito ko, “Prinsesang kirara”. Hindi naman kasi ako bagay na prinsesa dahil sa morena kong kutis, hindi tulad ng mga napapanood kong prinsesa sa Disney tulad ni Snow White. Hindi kami mahirap pero mas lalong hindi kami mayaman. Kaya naman ang aking mga alaala noong aking pagkabata ay paghahalo ng parehong mapait at masaya. Bawat batang lumaki ng dekada ’90 ay alam kung gaano kasaklap hindi magkaroon ng Polly Pocket dolls, Hawaiian Barbie na may partner na Hawaiian Ken, Ghost Fighter Collectibles at mga manga comics. Pati na rin ang hindi pagkumpleto ang Happy Meal ng Mcdo o Kiddie Meal ng Jollibee, hindi pagkakaroon ng Cartoon Network sa TV, o ang mapanood ang “Lion King” sa sinehan.
Isa ako sa mga nakaranas ng diskriminasyon ng hindi pagkakaroon ng bagong bag, sapatos, pencil case na Hello Kitty sa tuwing pasukan dahil sadyang matipid ang mga magulang ko pagdating sa ganyang bagay. Dinaan ko na lamang sa iyak at pagwawala sa harap nila, nagbabakasakaling pagbibigyan nila ang aking hiling ngunit kabaligtaran ang nangyari, at natatawa lang sila habang tinatawag akong Prinsesa Kirara. Sa tuwing binabalikan ko ang mga alaalang ito, natatawa ako sa kababawan at kasutilan ko ngunit hindi ko rin maiwasang magtanong sa kung ano ang kadahilanan ng ganitong pag-uugali, hindi lamang ako kundi ng lahat ng mga dumadaan sa pagkabata. Sa aking pagkuha ng Panitikan ng Pilipinas 165 sa pagtuturo ni Sir Eugene Evasco, natalakay namin ang bata bilang isang “target market” ng konsumerismo. Hindi maiiwasan na ang mga iba’t-ibang produkto tulad ng pagkain at laruan pati ang mga pelikula at cartoons ay nagiging pamantayan ng kanilang mga masayang alaala bilang bata. Hindi mali ang pagbebenta ngunit kailan nga ba ito nagiging mali at nakakasira sa pagiging bata ng isang tao?
Sa sanaysay ni Roland Tolentino (Ang Pinag-aagawang Bata sa Panitikang Pambata: Folklore, Media at Diskurso ng Bata) sinabing ang middle-class o gitnang –uri ang pinaka-target ng konsumerismong ito at ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng mga komersyal na gumagamit ng pampamilyang tema. Hindi na rin nakakasakit ang pagtampok ng mga premyadong artista para lalong maging agaw-pansin sa masa. Nagiging mali ito dahil hindi naman gitnang-uri ang bumubuo sa populasyon ng ating bansa, bagkus, hindi lahat ay kayang makaranas ng inihahandog na kasiyahang dala ng chicken joy na siyang nagbubuo ng kakulangan sa mga inosenteng batang ito.
Natalakay din sa klase ang iba’t-ibang mga librong pambatang isinulat ng mga premyadong manunulat na bansa tulad ni Rene Villanueva at Virgilio Almario. Isa sa mga librong aming tinalakay ay ang “Mayroon akong alagang puno” na isinulat ni Carla Pacis. Ang pambatang aklat na ito ay tungkol sa isang batang babae na may alagang puno sa kanyang kwarto na siya lang ang nakakakita, ang kanyang mga karanasan niya dito at ang biglang pagkawala ng puno nang siya’y nagdalaga na. Naging mainit ang diskusyon sa klase dahil marami ang hindi nagkagusto sa librong ito dahil sa iba’t-ibang dahilan. May ibang ayaw ang pagkakasulat sa istorya dahil parang tinatawanan ang imahinasyon ng bata sa pagkakaroon ng alagang puno na siya lang ang nakakakita. Ang iba naman, tulad ko, ay hindi nakakita ng Pilipinong oryentasyon sa ilustrasyon na siyang isang malaking kakulangan pagdating sa aklat pambata. Importante and distinksyong ito para sa mga batang mambabasa dahil kailangang makita nila ang sarili nila sa tauhan ng kwento upang ito ay maging isang epektibong panitikang pambata. Ngunit ang talagang agaw-pansin sa librong ito ay ang isang pahinang nasa pinakadulo na naglalaman ng mga datos tungkol sa pag-aalaga ng puno at kung anu-ano pang siyentipikong kaalaman ukol dito na sadyang inilagay para sa mambabasang bata. Naisip ko tuloy na kaya ba bibilhin ng magulang ang aklat na pambatang ito para sa anak niya ay dahil sa aral na makukuha niya sa pinakahuling pahina na kung titingnan ay wala naman talagang koneksyon sa istorya. Para sa akin, ang mga ganitong uri ng edukasyon sa bata ay naaayon lamang sa textbooks na kinabibilangan nito at hindi sa mga aklat pambatang tulad ng isinulat ni Carla Pacis.
Sa unang kabanatang ito ng aming klase ay agad kong naintindihan ang kalagahan ng pagtatalakay hindi lamang ng mga aklat pambata at mga manunulat kundi pati na rin ang bata mismo at ang lipunang kanyang ginagalawan. Ang aklat pambata ay isa sa mga maaaring humubog sa kinabukasan ng bata at dapat itong bigyan ng mataas na respeto. Ang pagtawag dito bilang isang stepping stone ay mali dahil hindi ito mas madaling uri ng panitikan tulad ng inaakala ng mga tao. Ngayon, hindi pa rin nauubos ang mga batang nakakaranas ng pagkukulang, hindi pa rin nakakaranas ang lahat ng inaakala nilang “childhood” kung saan makakapaglaro ka sa playpen habang may nakaabang sa iyong nanay na may hawak na Burger Mcdo na isusubo sa iyo. Habang hindi natatapos ang ganitong pagtingin sa bata ay naniniwala akong mananatiling mababa ang tingin sa panitikang pambata dahil habang ginagawang inosente ang bata ay mananatiling inosenteng uri ng panitikan ang panitikang pambata na tulad ng bata ay dapat diktahan, lagyan ng batas, ikahon sa ganitong pananaw at ang pagbuo ng mga Prinsesang Kirarang hati sa pagitan ng puti at itim.
Saturday, January 26, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment