Saturday, January 26, 2008

Denise Nuevo

Kawalan ng Kabataan at Pagsilang sa mga Bagong Pananaw

Isa ako sa mga batang lumaki sa kasabihang, “Kung anong puno ay siya ring bunga.” At sa madaling salita, hindi mahilig magbasa ng mga aklat ang aking mga magulang kaya hindi ko rin ito nakahiligan. Nang makapasok ako sa Unibersidad ng Pilipinas, napag-isip-isip kong mas nakabuti sana kung nakapagbasa ako ng sangkatutak na aklat noon pa. Minamadali ko tuloy basahin ang mga bagay na dapat sana ay nabasa ko na dati. At sa aking pagbabasa, natuklasan kong may pinanggagalingan pala talaga ang kawalan ng hilig sa pagbabasa, lalo na dito sa Pilipinas.

Dahil sa hirap ng buhay sa ating bansa, halos hindi na itinuturing na pangangailangan ang mga aklat. Sumasang-ayon ako kay Ani Rosa Almario, ang isa sa mga kinatawan ng Adarna House, ng sabihin niyang ang pinakauna pa ring isinasaalangalang ng mga magulang sa pagpili ng aklat ay ang presyo (Jimeno, 2007). At sa aking pagkakaalala, kasali ang mga magulang ko sa kanyang tinutukoy at hindi malabong ganoon din ang kanilang mga magulang. Inaamin ko rin na panay textbooks ang laman ng estante ng aklat sa bahay namin. Kaya nang makatungtong ako sa klase ng Panitikan ng Pilipinas 165: Panitikang Pambata, lubusan kong naramdaman kung gaano karami ang napalagpas ko noong bata pa ako dahil lang sa kakulangan ng wastong mga babasahin. Totoo ngang isang pribilehiyo ang makaranas ng pagkabata sa Pilipinas. (Evasco)

Kaya ngayon ay iniisip ko rin kung ilan pa kaya ang Pilipinong katulad ko na lumaki sa ganitong klaseng tahanan. Marahil ay maswerte pa nga ako dahil kahit papaano ay may mga ilang aklat pa naman akong nabasa. Paano na lamang kaya ang mahigit 11 milyong Pilipino na walang kakayahang bumasa at sumulat? (FLEMMS, 2003)

Minsan nga ay parang nagkakaroon na ako ng Messianic complex dahil sumasagi sa isip ko na kung mayaman lang ako ay gagawin ko talagang libre ang edukasyon para sa lahat at patataasan ko ang sahod ng mga guro para naman ganahan silang magturo hindi katulad ng mga kaiyak-iyak kong mga guro dahil kahit anong gawin ko ay wala talaga akong natutunan sa kanila. Maaari kayang magpaulan na lamang ako ng mga dekalibreng panitikang pambata para hindi matulad ang mga susunod na henerasyon sa isang katulad ko na nagsayang ng ilang taon sa pagbabasa ng mga textbooks na mali-mali naman ang laman? Pero ang totoong tanong, paano nga ba matutukoy ang isang dekalibreng akda?

Kaunti pa lamang ang nababasa ko at marahil ito rin ang dahilan kung bakit ayos na sa akin ang Papel de Liha ni Ompong Remigio. Kung hindi ito tinalakay sa klase, baka maisipan ko pa itong iregalo sa aking nakababatang pinsan. Bilang isang babae ni hindi ko man lang napuna kaagad ang pagkakahon sa isang babae bilang taga-gawa lamang sa loob ng bahay dahil natuwa na ako sa ilustrasyon at nadurog ang aking damdamin sa “ayaw ko nang bumitiw pa.” Ikinalulungkot kong sabihin na kung sakaling mapabilang ako sa isa sa mga hurado ng isang patimpalak, madaling mananalo sa akin ang mga ganitong klaseng akda. Inaamin kong hindi pa ako gaanong nakalubog sa mundo ng panitikan, lalo na kung sa panitikang pambata dahil hindi madaling punahin ang mga bagay na halos ngayon mo pa lang nasisimulang maranasan.

Nabanggit nga ni Virgilio Almario sa kanyang talumpati noong Hulyo 2007 na may isang naiibang katangian ang panitikang pambata. Ayon sa kanya, “May tiyak itong mambabasa: ang mga bata o ang kabataan.” At sa aking palagay, kung nabasa ko ang mga babasahin namin sa klase noong bata pa ako, mas magkakaroon ako ng ibang pagtingin at pagpapahalaga dito ngayong matanda na ako. Ngunit sa aking karanasan, para yatang mas nagiging bata akong muli habang ako ay nagbabasa sa halip na magsilbing isang kritiko.

Marami ngang maling paniniwala at pagkilala sa panitikang pambata sa ating bansa gaya na lamang ng pagturing na ito ay mababaw at kinakailangang kinababalutan palagi ng aral. Nakalulungkot mang isipin, ito ay maling katotohanan na patuloy pa ring kumakalat hanggang hindi ito nabibigyan ng lunas. Mahirap nga namang gamutin ang isang sakit kung ang tanging lunas ay ang magbasa nang magbasa pero halos wala kang magawa sapagkat mas mahal pa sa gamot ang mga aklat. Sa mga ganitong panahon ay nais ko na lamang magalit at kung maaari lamang magwala at sumigaw. Ano ba talaga ang ginagawa ng gobyerno natin?!

No comments: