Saturday, January 26, 2008

K Obusan

Panitikang Pambata sa Pilipinas: Isang Dapat Alagaang Industriya
Inaamin ko na ang pagtingin ko sa panitikang pambata dati ay hindi kasintaas ng pagtingin ko dito ngayon. Tulad ng iba, inisip ko dati na ang panitikang pambata ay mas madaling basahin kaysa sa mga akdang ginawa para sa mga matatanda. At katulad din ng pagbabasa rito, akala ko rin noon ay madali ang pagsusulat para sa mga bata. Ngunit batay sa mga babasahing ipinabasa sa klase, gayundin sa mga pagtatalakay na ginawa, nalaman kong hinding-hindi dapat “ismolin” ang panitikang pambata.
Nakalulungkot isipin na bata pa lamang kung tutuusin ang kasaysayan ng panitikang pambata sa Pilipinas. Noong 1970s lamang nasimulan ang proyekto ng gobyerno na maglimbag ng mga aklat para sa mga bata. Ito nga ay bahagi ng programang busugin hindi lamang ang mga kumakalam na tiyan ng mga bata, kundi pati na rin ang kanilang mga isipan. Maganda ang naging bunga ng proyektong ito- ang Aklat Adarna na nangunguna na sa kasalukuyan sa paglilimbag ng mga aklat pambata sa ating bansa.
Nakatutuwang isipin na sa pagpunta sa mga “bookstore” ngayon ay napakarami nang makikitang aklat pambata, hindi lamang Aklat Adarna. Hindi na nahuhuli ang mga aklat na gawa rito sa bansa sa mga aklat na gawa sa ibang bansa.
Pero hindi lamang ang produksyon ng mga aklat ang mahalaga sa pagsibol ng panitikang pambata, higit na mas mahalaga ang pagsusulat ng mga maiinam na paksa sa mga aklat na ito.
Hindi ako sang-ayon sa masyadong “censorship” na ginagawa ng mga magulang at mga guro sa mga aklat pambata. Dapat nilang baguhin ang kanilang pagtingin na ang panitikang pambata ay nakakahon sa mga katangian ng mga “textbook”- nagbibigay ng mga kaalamang natututunan sa paaralan at nagtuturo ng magandang asal. Sa halip ay dapat isipin na ang pangunahing tungkulin ng panitikang pambata ay makapagbigay-aliw, at dahil dito mas mainam na magkaroon ito ng artistikong katangian imbes na mga kaalaman at aral. Maganda rin na tumalakay ang mga aklat na ito ng mga paksang hindi madalas naisusulat para mamulat ang mga mata ng mga bata sa realidad ng mundo. Ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon ng kuwento ng pagka-Pilipinong tema.
Mas malaki naman ang hinihingi sa mga “picture book” dahil dapat ay may kasal ng ilustrasyon at teksto. Maging ang salin sa iba’t ibang wika at dayalekto ay dapat ding maging epektibo.
Sa lahat ng kuwento sa panitikang pambata, ang bata ay dapat laging ipinapakita bilang isang bayani sapagkat naitataas nito ang pagtingin sa mga bata.
Ang nabasa naming “Ang Unang Baboy sa Langit” ni Rene Villanueva ay maganda dahil ito ay may katatawanan, may pagka-Pilipino at hindi hayagan ang pagbibigay nito ng aral. Pero ito ay mayroon ding mga kamalian sa paggamit ng mga insekto na dapat ay sumisimbolo ng karumihan.
Isa pang aklat na ipinabasa ay ang “Mayroon Akong Alagang Puno” ni Carla Pacis. Naging kalakasan ng aklat na ito ang ilustrasyon ngunit ang teksto naman ang naging kahinaan. Ang bata sa akda ay walang aktibong partisipasyon sa kuwento. Para sa akin ay imbes na siya ang nag-alaga sa puno, siya ang inalagaan nito sapagkat ang puno ang gumawa ng mga paraan para mapalapit sa bata at hindi siya nito makalimutan. Mali rin ang tema nito na ang imahinasyon ay nasa bata lamang dahil hindi nawawala sa tao ang imahinasyon, nag-iiba lamang ito ng katangian.
Nagustuhan ko ang sinulat ni Ramon Sunico na “Two Friends, One World” dahil tumalakay ito sa naiibang paksa na pagkakaroon ng kapansanan. Naipakita nito na hindi kawalan sa pagkatao ang pagkakaroon ng kapansanan dahil lahat tayo ay nagtataglay ng mga katangian na wala sa ibang tao at ang mga katangian naman na wala tayo ay napupunan ng ibang tao sa pakikipagkaibigan natin sa kanila.
Ang “Sundalong Patpat” ni Virgilio Almario ay mayroong epektibong akda ngunit problemado naman ang ilustrasyon nito. Umiral ang pagka-“artist” ng ilustrador sa halip na gampanan niya ang kanyang trabaho na gumawa ng ilustrasyon na umaagapay sa teksto.
Bagsak naman sa pagiging Pilipino ang “The Greediest of Rajahs and the Whitest of Clouds” ni Honoel Ibardolaza. Ang ilustrasyon nito ay umabuso sa “folk art” at hindi man lamang nagpakita ng katangiang Muslim, na katanggap-tanggap pa sana sapagkat ito ay Pilipino.
Sa unang pagbasa ng “Papel de Liha” ni Ompong Remigio ay nagustuhan ko ito dahil nagpupugay ito sa mga ina, lalo na ang mga nagtatrabaho sa bahay. Ngunit naitalakay sa klase na ito pala ay seksista sapagkat nagpapakita ito ng estereotipo ng isang ina. Ang ina ay ipinakita bilang taga-linis lamang sa bahay na dapat pang magpaganda para matugunan ang pangangailangan ng kanyang asawa.
Lubos na mahirap pala ang gumawa ng aklat pambata. Dapat ay maging maingat sa pagpili ng paksa ng mga akda. Ito dapat ay may pagka-Pilipino, tumatalakay sa mga paksang hindi madalas na naitatampok sa mga kuwento, hindi seksista, nagpapakita ng bata bilang isang bayani, at marami pang ibang katangiang dapat pahalagahan. Dapat din ay may kasal ang teksto at ilustrasyon sa mga “picture book”. Ang pagsasalin din ay dapat epektibo. Hindi rin pwedeng kaligtaan na dapat ito ay mura sapagkat ang bata ay pinag-aagawan ng iba’t ibang korporasyon na nagbebenta ng mga pagkain, gamit o laruan na maaaring mas makakuha ng kanilang atensyon.
Sa aking palagay, kung magpapatuloy ang pagsibol ng panitikang pambata sa Pilipinas, ay magiging isang malakas na industriya ang paglilimbag ng mga aklat pambata at mas mahalaga rito, magkakaroon ng ng kultura ng pagbabasa sa mga bata sa ating bansa.

No comments: