Saturday, February 23, 2008

Denise Nuevo

Isang Pagdalaw sa Bahay ni Papa, Bahay ni Mama


Sa kasalukuyan, hindi pa gaanong laganap ang mga panitikang pambatang tumatalakay sa mga sensitibong konsepto gaya na lamang ng ipinapakita sa kuwento ng Bahay ni Papa, Bahay ni Mama ni Jean Lee Patindol. Pero kung tutuusin, hindi na naman bagong usapin ang paghihiwalay ng mag-asawa dito sa Pilipinas. Sa katunayan, umaabot ng 160 taun-taon ang mga naghahain ng pagpapawalang-bisa ng kasal sa NAMT o sa National Appellate Marital Tribunal (Natividad, 2008). At siyempre, bilang pa lamang ito ng mga nag-aabala pang maghain ng kaso. Hindi man bago ang isyu ng hiwalayan, halatang hindi pa tanggap sa lipunan ang ganitong paksa kung kaya naman ay hindi ko maisip kung ano ba ang katumbas sa Filipino ng broken family, broken home, at mga kaugnay na katawagan. Kaya naman kapuri-puri ang kwentong ito dahil sa pagtalakay nito sa isang sensitibong isyu na mga bata pa ang mga mambabasa.

Mula sa pabalat, makikita na wala ang mga tauhan at tampok ang ilustrasyon ng bahay ng nanay at ng tatay. Ang mga ilustrasyon na ito ay muling ipinakita sa unang pahina kung saan ipinakilala na ang tatlong batang babae sa kwento – sina Anna, Bianca at ang tagapagsalita. Matatagpuan sila sa gitna ng dalawang bahay. Ngunit sa pahinang ito, hindi pa lubos na malinaw kung alin ang bahay ni Papa at alin ang kay Mama.

Sa pangatlong spread ay binigyang-linaw na kung kanino ba talaga ang bahay, kasabay nang tuwing kailan sila nakatira dito. Ang bahay na tatsulok ang bubong at may mga kulay dilaw at berde ay pagmamay-ari ni Mama. Ang bahay naman na trapezoid ang bubong at may kulay asul ang kay Papa. Kapansin-pansin na pareho halos ang hugis at itsura (mapayat na parihabang nakatayo) ng mga bahay, maliban na lang sa nabanggit na kaibahan sa kulay at sa bubong. Ang pinakamalaking pagkakaiba o pagkakakilanlan, ayon sa kwento, ng dalawang bahay ay ang mga ginagawa ng mga batang tauhan dito. Kung sa bahay ni Papa ay naglalaro sila ng mga tren at eroplano at kumakain ng pizza hotdog, ice cream at mami, sa bahay naman ni Mama ay kumakain pa rin sila ng mga nabanggit ngunit nagpipinta naman sila ng mga bulaklak at bahaghari. Kagaya ng bahay, nariyan ang pagkakaiba ngunit mayroon ding pagkakapareho.

Kapansin-pansin na hindi makikita ang katauhan ni Mama at ni Papa sa ilustrasyon. Bagaman ilang beses silang nabanggit, mula pa lamang sa mismong pamagat hanggang sa katapusan, hindi makikita sa elementong biswal ang kanilang pisikal na itsura at ang tanging nakikita ng mambabasa ay ang tatlong bata sa kwento. Makikita nang kaunti ang itsura nila sa panlima at pang-anim na spread, ang parte ng kwento kung saan ipinapakita ang pagkakaiba ng mga patakaran sa bahay ni Mama at bahay ni Papa. Gayunpaman, makikitang implied lamang ang kanilang pisikal na itsura. May bigote si Papa samantalang hindi naman masyadong malinaw kung mahaba ba o hindi ang buhok ni Mama. Sa katunayan, kung ako ang tatanungin, hindi ko nakikita ang pagiging “Mama” ng ilustrasyon sa nanay. Unang-una dahil isang kapat lamang ng mukha niya ang nakikita. At pangalawa, tila walang interaksyon ang nanay sa mga anak niya (na masasabi rin sa ilustrasyon ng tatay).

Ang kawalan ng “presensiya” ng mga magulang pagdating sa elementong biswal ay mas lalong makikita sa panlabing-isa at panlabing-dalawang spread kung saan nagpunta si Papa sa bahay ni Mama dahil ika-anim na kaarawan ng pangunahing tauhan sa kwento(na hindi napangalan dahil nasa unang panauhan ang punta de bista). Makikita ang mga lobo at karatula na ginawa para sa kaniya ni Papa at Ana. Makikita rin ang cake na ginawa ni Mama at Bianca. Ngunit hindi makikita ang pagpunta ni Papa sa bahay. Hindi rin naipakita ang aktwal na preparasyong ginawa para sa kaarawan. Gayundin, binanggit sa kwento na tinulungan ni Papa ang tagapagsalita na hiwain ang cake habang si Mama naman ang nagbigay sa mga bisita. Ngunit sa ilustrasyon, ang makikita ay ang mga regalo, mga lobo at mga bisitang mga pinsan lamang. Hindi ipinakita ang nabanggit na eksena o kahit si Mama o Papa man lang.

Nang tinanong ng pangunahing tauhan ang Papa niya kung bakit hindi sila magkasama ng Mama niya sa isang bahay, sinagot ang bata ng isa ring katanungan: “Sa palagay mo ba, anak, maaaring maglakbay nang magkasama ang mga tren at mga eroplano?” Gayundin ang nangyari nang muling nagtanong ang bata sa kaniyang mama: “Paghaluin natin ang puti at ang dilaw. Anong kulay ang lalabas?”. Sa bata na rin nanggalin ang sagot: “Yuck! Kakulay ng poo-poo ni Bianca ang lumabas. Sa lahat ng ito, muli, hindi makikita ang mga magulang na nagpapaliwang sa anak.

Makikita lamang ang tren, eroplano, kulay puti at kulay dilaw. Sa tingin ko ay naging matagumpay naman ang paghahatid ng aklat na ito dahil nais ng may akda na magkaroon ng tamang pagtingin at pag-unawa ang mga mambabasa dahil hindi naman maiiwasan na may mga ayaw itong pag-usapan o kung pinag-uusapan naman ay hindi naman wasto ang pagtalakay dito (gaya na lamang ng mga pabayang kapit-bahay ni Patindol).

Itinatampok din ng tagpong ito ang konteksto ng kwento. Mahirap ipaliwanag ang isyu ng hiwalayan sa mga bata, lalo na dahil mismong sa ating bansa ay hindi pa ito tanggap. Ngunit naging matagumpay naman ang pagpapaliwanag dahil nagawa ito habang isinasaalang-alang ang konteksto ng isang bata sa pamamagitan ng paggamit ng mga device kagaya ng tren, eroplano at ng kulay puti at dilaw na malapit sa kamalayan ng isang bata.

Pagkatapos ng lahat ng mga nabanggit, epektibo ba ang kabuuang pagtrato sa ilustrasyon?
Nagiging epektibo ito dahil hindi nagsisilbing literal na pagsasalin ang mga larawan ng kwento. Kaya naman kung titignan, hindi maaring tumayong mag-isa ang ilustrasyon. Kailangan talagang basahin ang teksto upang maintindihan ang buong kwento.

Itinatampok ng mga larawan ang mga mahahalagang elemento ng kwento ngunit hindi sa literal na paraan. Gayunpaman, kagaya nang naipakita, hindi lubos na nailarawan si Mama at si Papa. Dahil dito, hindi naipakita ang relasyon ng mga magulang sa mga bata na sa kabilang banda, ay ipinakita rin naman ng mismong teksto (sa pamamagitan ng mga tagpo tungkol sa kaarawan, sa pagtatanong sa sitwasyon ng mga magulang). Kaya naman kung pagbabasehan ang ilustrasyon bago ang kwento, mas nabigyang-pansin ang paglalarawan ng karanasan ng mga bata kaysa sa relasyon ng magkahiwalay na magulang sa kanilang mga anak at pati na rin ang relasyon ng dalawang magulang sa isa’t isa.

Kahahanapan ng mga elemento ang kuwento gaya ng paggamit ng paghahambing (Gusto ko kapag nasa bahay ako ni Papa…, Gusto ko rin kapag nasa bahay ako ni Mama...), pag-uulit (Isa-isang dumating ang mga pinsan ko. Isa-isang dumating ang mga kaibigan ko) at mayroon ding enumerasyon (Kumakain kami ng pizza, hotdog, ice cream at mami). At matatagpuan din naman ang esensiya ng mga elementong ito sa mga larawan na nilikha ni Mark Salvatus III kagaya ng pag-uulit ng imahe ng mga tren at eroplano, pagpapakita ng mga pizza, hotdog, ice cream at mami, at pati na rin ng pagdagsa ng mga pinsan. Sa katunayan, ginamitan pa nga niya ito ng mixed media (gaya ng charcoal, akriliko at collage) na mas nakapagbibigay-tingkad sa mga paghahambing sa dalawang bahay.

Dominante ang kulay pula sa aklat na ito. Sa katunayan, pula ang background ng buong libro. Marami ang ipinaparating ng kulay na ito sa mga mambabasa. Pero kung ako ang tatanungin, nakakakuha ng atensyon ang kulay na ito. Pero malamlam na pula ang ginamit kaya sa tingin ko ay hindi sapat na atensyon ang makukuha niya, kung ihahalintulad ito sa tema ng kuwento, ang tingin ko dito ay sadyang nakakauha ng atensyon ang mga pangyayaring katulad na lamang ng paghihiwalay ng mga magulang. Kasabay ng atensyon, madalas din ginagamit ang kulay na pula upang ipahiwatig na kailangan ng aksiyon (na mapapansin ding ginagamit ng mga progresibong organisasyon). Maaari ring ipinapahiwatig nito ang isang babala dahil ulit sa mismong isyu ng hiwalayan na sa tingin ng marami ay hindi para sa bata. Sa palagay ko, ang kulay pula ay nangangahulugan ng pinagsama-samang atensyon, babala, at aksiyon.

Nagtapos ang kwento sa pamamagitan ng pag-uulit ng umpisa. Ipinakita muli ang bahay ni Mama at ni Papa, kagaya ng sa unang pahina. Sa pagkakataong ito nga lamang, itim lang pareho ang kulay nila dahil gabi na. Tila sinasabi nito na anuman ang mangyari, hindi na magbabago pa ang sitwasyon ng mga tauhan sa kwento. Nag-umpisa ang sa pagkakaroon ng magkahiwalay na bahay ni Papa at bahay ni Mama ang akda at sa katotohanang ito rin nagtapos ang lahat. Tila ba walang resolusyon ang kwento dahil bumalik lamang ito sa umpisa ngunit para sa akin, epektibo ito sa pagpapakita na sa huli, wala nang magagawa pa sa sitwasyon. Ang kaibahan nga lamang, sa pagkakataong ito, naipaliwanag na ng nanay at tatay ang kanilang sitwasyon sa mga anak.

Gayunpaman, mananatiling magkahiwalay ang bahay ni Mama at ni Papa, kagaya ng makikita sa ilustrasyon. Magkatabi man sa pahina ang kanilang mga bahay at halos pareho ang hugis at sukat, hindi ito magiging isa.

No comments: