Monday, March 10, 2008

Margie Pamela R. Dimalanta

Dalawang Mundo nina Dosol at Mokopoy

Ilan nga ba sa atin (lalo na sa mga lumaki sa siyudad) ang may ideya kung paano ang paraan ng pamumuhay ng mga Ayta? Naniniwala akong bihira lang ang nakakaalam kung ano ang kanilang kultura. Sa aklat na “Sina Dosol at Mokopoy sa Paanan ng Bundok Pinatubo,” masusubaybayan ang buhay ng dalawang magkaibigang Ayta. Isinulat ito ni Rene Villanueva at iginuhit naman ni Joanne de Leon. Sa papel na ito, susundan natin ang buhay ng dalawang magkaibigang Ayta (sina Dosol at Mokopoy) sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga ilustrasyon sa nasabing aklat.

Sa kabuuan, masasabing mixed media ang ginamit sa ilustrasyon. Pinagsamang watercolor/acrylic painting at pastel color ang ginamit. Watercolor painting ang ginamit para iguhit ang mga basic na detalye. Ito ang ginamit para sa bundok, langit, lupa, puno, katawan ng mga tao, at marami pang iba. Ginamit din ito para sa shadowing. Ginamit naman ang pastel para sa outline at ilan pang detalye sa ilusytrasyon tulad ng mga linya sa dahon. Ginamit din ito para magkaroon ng ilusyon ng lighting (mas madilim ang bahaging natatakpan ng pinagmumulan ng liwanag) at shadowing. Para naman sa mga detalye sa mukha, ginamit ang felt tip pen para mai-outline ito. Gamitin natin ang ilustrasyon sa pabalat.

Ang bahaging ginamitan ng watercolor ay ang mukha at katawan nina Dosol at Mokopoy. Ginamit naman ang pastel para lagyan ng outline ang katawan ng dalawa. Isang halimbawa din sa pastel ang mga guhit sa dahon. Ang mga detalye sa mukha tulad ng mata at labi ay ginamitan naman ng felt tip pen para mai-outline.

Masasabing nahahati sa dalawang bahagi ang kuwento. Sa unang bahagi ay ipinakilala sa mga mambabasa ang pamumuhay ng magkaibigan bago sumabog ang Pinatubo. Makikita sa mga susunod na ilustrasyon kung ano ang kinakain nila at kung paano at saan nila ito nakukuha. Halimbawa nga ng kanilang kinakain ay ang kowat o kabute na makikita sa ilustrasyon sa kaliwa. Isa ring halimbawa ay ilustrasyon sa kanan. Ipinapakita naman dito kung paano nila kinukuha ang amokaw, na kamukha ng puno ng saging ngunit pinipiga at hinahaluan ng tubig ng mga Ayta para inumin. Sa susunod na ilustrasyon, makikita naman ang paraan nila ng pagkuha ng pahinga o maliit na palaka.

Sa buhay naman ng magkaibigan pagkatapos ng pagsabog ng Pinatubo, ipinakita ang malaking pagbabago sa buhay nila dahil sa nangyari. Sa susunod na ilustrasyon ay ipinakita na natutong kumain ng sardinas ang mga Ayta. Para sa akin, sinisimbulo ng lata ng sardinas ang industriyalisadong pamumuhay dahil ang mga de latang pagkain ay karaniwan nang ginagawa sa pamamagitang ng mga makina. Ang pagdepende ng mga tao sa makina ay patunay na industriyalisado na nga ang pamumuhay.

Kung pagbabasehan ang dalawang bahagi ng buhay ng mga Ayta na ipinakita ng mga naunang ilustrasyon, masasabing may narrativity ang kuwento. Ngunit kapag sinuri na ang copyright page at back cover, makikita na hindi ginamit ang mga pahinang ito para maipakita ang narrativity sa mga ilustrasyon kung hindi para ipakilala ang layon ng nasabing picture book.

Kapag ang pabalat naman ang pinag-usapan, masasabing matagumpay ang ilustrasyon dahil nagawa nitong maipokus ang atensiyon sa bida sa kuwento. Noong una kong makita ang ilustrasyon sa pabalat, ang unang bahagi na nakakuha ng aking atensiyon ay ang dalawang bata. Isang dahilan dito ay ang paggamit ng kulay tsokolate. Dahil mapusyaw ang ginamit na asul at berde, agad na lumutang ang madilim na kulay. Sa ilustrasyon, ang madilim na kulay ay ang kayumangging kulay nina Dosol at Mokopoy.

Dagdag pa dito, magkakaroon na ng ideya na ang kuwento ay tungkol sa dalawang batang nasa ilustrasyon dahil sila ang nabibigyan ng pokus o atensyon. Dahil silang dalawa ay napaliligiran ng mga dahon at halaman, agad na mahihinuha na sila ay hindi mga batang mula sa siyudad. Ang kayumangging kulay at ang kulot nilang buhok ay hindi madalas makikita sa siyudad. Maiuugnay ang ganitong deskripsyon sa mga kababayan nating Ayta. Nakdagdag pa dito ang ilog at bundok na makikita sa likod nina Dosol at Mokopoy. Nirerepresenta ng ilog at bundok ang kabundukang karaniwang tinitirhan ng mga Ayta.

Kapag ang pinagtuunan naman ng pansin ay ang dalawang bata, mapapansin na nakaakbay ang mas matangkad na bata sa mas maliit na bata. Malaki ang sinasabi ng ganitong aksyon sa relasyon ng dalawa. Sa ating kultura, madalas na taong malapit sa iyo ang hinahayaan mong umakbay sa iyo. Dahil dito, kahit hindi sabihin ay mahihinuhang malapit sa isa’t isa sina Dosol at Mokopoy. Kapag binasa na nga ang teksto, malalaman na silang dalawa ay magkaibigan.

Makikita din na karamihan sa mga linyang ginamit ay mga pakurbang linya. Ang mga pakurbang linya ay nagpapahiwatig ng kalayaan sa pagkilos kumpara sa pormalidad at pagiging matigas na ipinahihiwatig ng mga tuwid na linya. Maaaring isipin na dahil maraming pakurbang linya ang ginamit sa nasabing ilustrasyon, ipinakikita nito na may kalayaan sa pagkilos ang dalawang bida.

Upang mas maintindihan ang bahaging ito, ikukumpara ko ang dalawang ilustrasyon. Sa ilustrasyon sa kaliwa, mas marami ang pakurbang linya. Ang mga pakurbang linya ay ginamit para sa bundok at langit. Makikita na malawak ang lugar ng dalawa dahil kasama ang bundok at langit sa ilustrasyon. Dagdag pa dito, ang mga katawan ng mga Ayta sa ilustrasyon sa kaliwa ay nakatagilid. Nagbibigay ito ng pakiramdam na malaya silang gawin ang nais nila dahil nga malawak ang kanilang espasyo. Sa ilustrasyon naman sa kanan, makikita na marami ang tuwid na linya. Halimbawa na dito ang linya ng mga tent at pati na rin ang tuwid na katawan ng mga Ayta. Nagbibigay ito ng pakiramdam na limitado at kontrolado ang kilos ng mga taong nasa ilustrasyon dahil sa dami ng tuwid na linya. Dagdag pa dito na masikip at punong-puno ang ilustrasyon sa kanan kumpara sa ilustrasyon sa kaliwa.

Ipinapakilala naman ng susunod na ilustrasyon ang kominidad ng mga Ayta. Nakatingin ang babae (nasa kaliwang bahagi, bandang ilalim) sa gitna ng ilustrasyon. Gayundin naman sina Dosol at Mokopoy. Ang tinitingnan nilang dalawa ay ang mga taong nasa gitna ng ilustrasyon, na parang sinasabing bigyan ng atensyon ang nasa gitna ng ilustrasyon.

Sa susunod na ilustrasyon naman, makikita na sa pamamagitan ng paggamit ng linyang dayagonal, idinidikta sa tumitingin sa ilustrasyon ang dapat niyang bigyang atensiyon. Isang halimbawa ay ang bahagi kung saan nakaturo ang kamay ni Mokopoy sa isang direksyon. Dinadala ng nakaturong kamay ni Mokopoy ang ating mga mata para tingnan ang kanyang itinuturo. Kapag sinundan natin ng tingin ang direksyong itinuturo ni Mokopoy, makikita natin na ang mga puno ang itinuturo niya. Kapag binasa ang teksto sa bahaging ito, malalaman na ang mga punong saging na natumba ang kanyang itinuturo. Sa bahaging ito, masasabi kong isa itong patunay na picture book ang “Sina Dosol at Mokopoy sa Paanan ng Bundok Pinatubo” dahil mahalaga ang pagtatalaban ng teksto at ilustrasyon para lubos na maintindihan kung ano ang ispesipikong bagay na itinuturo niya at kung bakit niya itinuturo ito. (Ayon sa teksto, ang natumbang puno ng saging ang itinuturo ni Mokopoy dahil gusto niyang maghanap ng makakain sa lugar na iyon.

Makikita sa ilustrasyong ito ang bahay kubo. Kilala ang bahay kubo bilang mga bahay ng mga Pilipino. Masasabing naipapakita ang Filipinong oryentasyon sa ilustrasyong ito. Dagdag pa dito ang bayong na ginamit para paglagyan ng mga pagkain. Ang mga bayong ay madalas gamitin noon bilang lalagyan sa halip na mga plastic.

Ipinapakita naman sa ilustrasyong ito ang pagsabog ng Bundok Pinatubo. Itim ang kulay na nangibabaw dito. Madalas na iniuugnay ang itim sa malungkot o mabigat na pakiramdam. Ang paggamit ng kulay na ito ay nangangahulugan na hindi isang magandang pangyayari ang pagsabog. Dagdag pa dito, mapapansing mas malaki ang bahaging ipinapakita ang pagsabog kumpara sa bahaging ipinapakita ang mga bundok. Nangangahulugan itong ang gustong bigyang-atensyon sa ilustrasyon ay ang laki ng pinsalang dulot ng pagsabog. Makikita din na magkaiba ang direksyon ng mga puno sa ilustrasyon. Ang mga punong nasa kanang bahagi ng larawan ay nakahilig sa kanan samantalang ang mga punong nasa kaliwang bahagi naman ay sa kaliwa nakahilig. Nagbibigay ito ng impresyon na sobrang lakas ng hangin na dulot ng pagsabog kaya hindi lamang sa isang direksyon umihip ang hangin.

Gumamit din ng blocking sa mga ilustrasyon. Isang halimbawa ay ang sumusunod na larawan. Ang mas malalaking mukha ng mga nasa harapan kaysa sa nasa likuran ay nagpapakita na mas malapit ang direksyon nila sa mambabasa kaysa sa nasa likuran. Nakadagdag din dito ang bahagi kung saan ang ilang parte ng katawan ng isa ay natatakpan ng mga gamit o parte din ng katawan ng ibang tao. Nagbibigay ito ng ilusyon na ang taong natatakpan ay mas malayo kaysa sa taong hindi natatakpan.

Mapapansin naman sa ilustrasyong ito na maaliwalas ang kalangitan na ipinapakita ng asul na kalangitan. Ngunit mapapansin na wala ni isang tao sa ilustrasyon ang nakatingin sa langit. Karamihan din sa kanila ay nakapikit. Maaaring sabihin na kahit na may maaliwalas o bagong buhay na iniharap sa mga Ayta, hindi pa rin sila ganoon kahandang tanggapin ang inaalok na bagong buhay sa kanila. Isa sa mga maaaring dahilan ay masyadong biglaan ang mga pangyayari.

Sa susunod naman na ilustrasyon, makikita na bagama’t magkaharap ang dalawang bata, hindi naman sila nakaharap sa isa’t isa. Ang mata ng bata sa kaliwa ay nakatingin sa kalangitan. Ang mata naman ng bata sa kanan ay nakatingin sa kanyang likod. Maaaring tingnan ang batang nakatingin sa kalangitan bilang simbulo ng pagtanggap ng mga Ayta sa bagong buhay nila. Ang batang nakatingin naman sa kanyang likod ay simbolo ng pagbalik-tanaw o pag-alala ng mga Ayta sa dati nilang buhay.

Masasabing isang picture book ang Sina Dosol at Mokopoy. Sa teksto ay pinanatili ang ilang kultural na tema na ginagamit ng mga Ayta. Ilang halimbawa nito ang kowat, amokaw at pahinga. Mahalaga ang ilustrasyon dahil mas malinaw nitong naipakilala sa mga mambabasa ang mga nabanggit na kultural na tema. Sa pamamagitan ng deskripsyon sa teksto at sa mga ilustrasyon, mas madaling nabuo sa isipan ng mga mambabasa ang imahe ng kowat, amokaw at pahinga.

Sa kabuuan, ang kuwento ng buhay nina Dosol at Mokopoy ay hindi lamang isang simpleng kuwento. Katulad ng nabanggit na, nakatulong ang mga ilustrasyon para ipakilala ang kultura ng mga Ayta. Naipakita ng mga ilustrasyon ang paraan ng kanilang pamumuhay (i.e. paano sila nangunguha ng kanilang mga pagkain).

Maliban sa pagpapakilala sa kultura ng mga Ayta, ipinakilala din nito sa atin ang usapin ng pagkakaroon ng bagong buhay ng mga Ayta. Naipakita ng aklat ang hirap na pinagdaanan nila para muling makabangon sa pamamagitan ng ginawang paghahambing sa dating buhay at sa bagong buhay ng mga Ayta. Para sa akin, makabuluhan ang basahin ang kuwento nina Dosol at Mokopoy.

Monday, March 3, 2008

Erika Yvette Velasco

Pagpapaamo sa Asong si Putot


Ang kuwento ni Mike Bigornia na “Si Putot” ay tungkol sa isang aso na nagngangalang Putot na hindi masaya sa kanyang maiksing buntot. Ang kuwento ay isinalaysay sa perspektibo ng bidang si Putot. Para kay Putot, isang kapansanan ang kanyang maiksing buntot. Ikinumpara niya ang kanyang sarili sa ibang mga hayop na may mahahaba at magagandang buntot.

Ang kuwentong ito ay nagtuturo sa mga bata na pahalagahan ang sarili nilang mga natatanging katangian, katulad ng pagpapahalaga ni Putot sa kanyang sarili sa bandang huli ng kuwento. Sabi ni Putot, “hindi dapat ikahiya ang kapintasan sapagkat hindi ito ganap na kasawian.”

Pabalat pa lamang ng librong “Si Putot” ay nagsasabi na ng kuwento. Mukhang nasa itaas ng burol ang bida ng kuwento na isang maliit na aso. Ang pamagat ng kuwento na “Si Putot” ay nakakatawag pansin dahil pinagsama ang salitang “putol” at “buntot “ upang mabuo ang pangalang Putot. Kaya naman ay malalaman na agad ng mambabasa na ang asong nasa ibabaw ng burol ay si Putot. Sa ilustrasyon sa harap, makikita rin na may nakatali na halaman sa may buntot ng aso. Mapapansin na may luha ang aso kaya hindi siya masaya sa kanyang buntot.

Si Putot ay makikita sa ibabaw ng isang burol. Marahil ang kahalagahan nito ay upang maipakita at maikumpara ang kaliitan ng asong si Putot. Kung wala ang burol sa larawan, marahil ay hindi maiisip ng mga mambabasa na maliit si Putot. Subalit sa aking palagay, may mas malalim pa na dahilan kung bakit parating nasa ibabaw ng burol ang bidang si Putot. Maaaring basahin na simbolo ito ng pag-iisa ni Putot sa kanyang kalungkutan na nararamdaman. Hindi siya nakikisalamuha sa ibang mga hayop at wala siyang kaibigan. Ang kanyang kalungkutan dahil tinuturing niya na kapansanan ang pagkakaroon ng maliit na buntot, ito ay nagdulot sa kanya upang humiwalay sa iba at mapag-isa. Sa bandang huli, makikita na pagkatapos niya maliwanagan na hindi pala dapat mainggit sa iba, umalis na si Putot sa ibabaw ng burol.

Ang unang spread ay naglalaman ng buod at aral na nais iparating ng libro. “Ang istoryang ito ay may nakakatuwang himig sa kabuuan. Isang mainam na paraan ito upang maiwaksi sa isipan ng mga bata ang labis na pagbibigay ng pansin sa sariling kapintasan, kapansanan, o anumang uri ng kahinaan…” Ang mensaheng ito ay para sa mga magulang, guro, daycare workers at mananalaysay. Masasabing may konsepto ng aral pa rin na hinahanap ang mga magulang o guro at alam ng manunulat na ang mga magulang ay bibilhin ang librong ito kung may nakapaloob na aral.

Ang ikalawang spread naman ay naglalaman ng copyright sa bandang kaliwa ng pahina at sa kanan naman ay isang larawan ni Putot na masaya at tumatalon sa may halamanan. Kung sa pabalat ng libro ay ipinakita ang isang aso na malungkot na nasa ibabaw ng burol, dito naman sa ikalawang spread, ipinakita ang aso na masaya. Mula rito, masasabi na ang librong ito ay nagpapangako sa mga mambabasa ng isang masayang katapusan.

Sa ikatlong spread nag-umpisa ang kuwento. Sa bandang kaliwa ay makikita na katulad ang ilustrasyon sa pabalat ng libro. Sa bandang kanan naman ay makikita na si Putot ay nasa ibabaw ng burol subalit mayroon na siyang mahabang buntot. Napapaligiran siya ng mga ulap at bituin kaya alam ng mambabasa na nangangarap lamang si Putot. Bukod pa rito, mapapansin din na may dalawang ibon na nakatitig sa buntot ni Putot. Ito ay nangangahulugan na nais din ni Putot na kainggitan o hangaan siya ng mga ibon. Kung ang simbolo ng burol sa kuwento ay pag-iisa, maaaring sa larawan na ito ipinapakita na kahit pa makamit ni Putot ang pangarap niya na magkaroon ng mahabang buntot, hindi ibig sabihin nun ay magkakaroon siya ng mga tunay na kaibigan. Mula rito, masasabing ang ilustrasyon ay nakakadagdag sa kuwento.

Sa susunod na pahina, makikita sa pagkakaguhit kay Putot na siya ay labis na malungkot. Maaari rin pagod sa kaiisip dahil may kasamang pawis si Putot sa ilustrasyon. Nakasampa si Putot sa ibabaw ng burol na tila nahihirapan sa kanyang kinalalagyan. Ang nasa kanan naman na ilustrayon ay nagpapakita ng deskripsyon ng teksto. “Di tulad ng loro, puwedeng pluma ang kanyang buntot.” Kulay itim ang background ng loro upang mabigyang pansin ang makulay nitong buntot na nagliwanag sa itim na background. Upang maipakita ang pluma, may mga linya na may kulay sa gilid ng loro. Sa aking palagay, hindi mainam na naipakita ito sa ilustrasyon. Hindi makukuha ng mambabasa kung ano ang mga linyang ito. Hindi malinaw ang pagpaparating ng mensahe. Dapat ay iginuhit talaga kung ano ang itsura ng pluma.

Ang ikalimang spread naman ay ang pagsasalawaran sa tekstong, “O di kaya’y ng pusa. Ang buntot niya’y dangal ng kaniyang amo.” Ang kulay na ginamit sa background ay light blue. Ang kulay na ito ay nagpapahiwatig ng kasiglahan dahil matingkad at buhay na buhay ang kulay na ito. Subalit taliwas ito sa nararamdaman ni Putot na kalungkutan. Maganda naman ang pagkakaguhit sa larawan sa kanan. Ipinakita nito ang pagkagarbo ng amo at ng kanyang pusa sa pamamagitan ng mga alahas, damit at background na nagmukhang salamin na bintana na may disenyo. May ulap rin sa ibabaw ng ulo ni Putot na nagsasabing patuloy siya sa kanyang pag-iisip ng iba’t ibang hayop na mas mahaba ang buntot kaysa sa kanya.

May halong mga biro at katatawanan din ang mga ilustrasyon sa libro. Halimbawa nito ay ang makikita sa susunod na pahina. Makikita na may tatlong baboy na magkakasama dahil nakabuhol ang kanilang mga kulot na buntot.

Sa ikapitong spread, isinalarawan ang isang panot na matanda na ginawang brotsa ang buntot ng kabayo. Gayun din sa sumunod na spread kung saan makikita na ang baka ay ginawang pamaypay ang kanyang buntot. Kung walang larawan, hindi ganap na buo ang kuwento at hindi magiging epektibo kung teksto lamang at hindi naisalarawan ang mga ito. Nakapagdala pa ang ilustrasyon ng humor sa mga mambabasa. Sa ikawalong spread din, makikita na ang background na kulay ay dilaw. Maaaring ginamit ito upang mabigyang pansin ang kainitan ng araw na siyang sumusuporta sa ideya na ang baka ay nagpapaypay gamit ang kanyang buntot.

Ang sumunod na spread ay nagpapakita naman ng isang kalabaw na ginagamit ang kanyang buntot sa paghagupit ng langaw at kuto. Subalit, hindi lamang ito ang mga isinali ng ilustrador sa larawan. May tunog na plak! na nakalagay sa larawan na makadadagdag sa imahinasyon ng mambabasa at hindi lamang makikita ang hayop kung hindi maririnig ang mga galaw nito. Sa madaling salita, nais ng awtor na linangin ang iba pang senses ng mga mambabasa.

Mapapansin din na may kinakain na damo ang kalabaw. Sa sumunod na pahina, ganun din ang ginawa ng ilustrador. May mga unggoy na nakalambitin sa puno at kumakain ng saging. Mula sa mga larawan na ito, matututunan ng mambabasa hindi lamang ang iba’t ibang uri ng hayop kundi pati na rin kung saan nakatira ang mga hayop na ito at kung ano ang kinakain nila. Hindi tinukoy ang mga detalyeng ito sa teksto subalit sa pamamagitan ng pagsusuri sa larawan, malalaman ang ganitong mga karagdagang impormasyon.

Sa sumunod na spread, makikita na ang pagpasok ng bulate sa kuwento. Sa umpisa ay makikita na sa malayo manggagaling ang bulate at habang inililipat ang pahina, lumalapit siya sa aso. Nang malapit na ito kay Putot, lumalaki rin ang mukha ni Putot. Maikukumpara ang laki ni Putot sa bulate. Mahusay ito dahil may galaw at may perspektibo na ginamit ang ilustrador.

Mainam din ang pagguhit sa bulate sa sumunod na pahina. Nang sabihin sa teksto na kaya malungkot ang bulate ay dahil sa ang kabuuan nito ay puro buntot, nilakihan ng ilustrador ang pagguhit sa bulate at ipinakita ang kabuuan nito. Maganda ang ginawa ng ilustrador dahil nabigyang-pansin ang bulate at naipakita ang kabuuan nito nang sa gayon ay malinaw sa mga mambabasa ang ibig sabihin ng teksto.

Hindi rin nalilimitahan ang border sa aklat. Lumalagpas ang mga ilustrasyon sa border. Mahusay ang ganitong pagsasalarawan dahil nakaalis ang ilustrador sa limitasyon ng border, napalaki at napabuti niya ang kanyang mga ilustrasyon.

Sa huling pahina ng kuwento, makikita na nakaalis na si Putot sa burol, tinanggal na niya ang nakakabit na halaman sa kanyang buntot at siya ay pumunta sa lupa kung saan siya’y masayang lumulundag. Si Putot mismo ang nagbigay solusyon sa kanyang problema. Ang ilustrasyon sa bandang kanan ng spread na ito ay katulad ng ilustrasyon sa unang pahina. Samakatuwid, natupad ng awtor at ilustrador ang pangako sa mga mambabasa na may masayang katapusan ang kuwento ni Putot.

Sa ikalawa sa huli na pahina ng libro ay may sasagutan na gawain. Kailangan ilagay ang katumbas na buntot sa bawat hayop na nabanggit sa kuwento. Marahil ito ay para sa katuwaan na rin ng mga bata at upang maipakilala at matandaan nila ang iba’t ibang hayop na ipinakilala sa kuwento.

Ang huling pahina naman ng libro ay nagpapakita ng listahan ng mga libro ng Adarna. Ito ay naghihikayat sa mga mambabasa na bumili pa ng maraming libro ng Adarna. Tulad nga ng napagusapan sa klase, ang Adarna ay nakatutok sa komersyo ng paglimbag at paglikha ng mga librong pambata.

Masasabing nakadagdag ang ilustrasyon sa kuwento dahil naipapakita ang iba’t ibang mga hayop at kung paano sila naiiba kay Putot. Ipinapakita rin ang labis na kalungkutan ni Putot nang maisip niya ang kanyang kapansanan., ang pagkamaiksi ng kanyang buntot.
Nakakapanghinayang na unimaginative ang likod ng libro sapagkat buod, logo ng Adarna at background lamang ang nakalagay. Glossy ang papel na ginamit. Dahil ang libro ay Adarna, nakakalungkot na naka-stapler lang ang pagkaka bind sa mga pahina. Madaling masisira ang libro.

Malinaw naman ang pagkakaguhit at maiintindihan ng mga mambabasa. Simple at magugustuhan ng mga bata. Mapapansin na hindi diretso ang mga linyang ginamit at hindi pino. Maaaring ito ay sa kadahilanan na nais kopyahin ng bata ang ilustrasyon at kung makikita niya na hindi diresto ang pagkakaguhit niya at baluktot ang mga linya, iisipin niya na mabuti lang iyon dahil ganun din naman ang ilustrasyon sa libro. May anino rin ang mga bagay sa ilustrasyon. Mainam ito dahil nagapapakita ng dimensyon ang mga larawan.